Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Gaano kahirap tumanda sa Pilipinas?


INVESTIGATIVE DOCUMENTARIES: SENIORS
FEBRUARY 6, 2020
HUWEBES, 8 PM SA GMA NEWS TV

 

Taliwas sa alam ng marami, tumatanda na ang populasyon ng Pilipinas. Ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA, noong 2015, may 7.5 milyong senior citizen na tayo. At ayon sa Commission on Population and Development, dodoble ito sa 14 milyon sa 2030. Dapat daw itong paghandaan ng gobyerno, lalo na pagdating sa mga benepisyo.

 

Sa Expanded Senior Citizens Act of 2010, ilan sa mga benepisyo ng mga senior citizen ay ang 20% diskuwento sa gamot, pagkain, pamasahe, at mga nakalilibang na gawain gaya ng panonood ng sine.

 

Nakatatanggap din sila ng P500 mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD bilang social pension.

 

May mga seniors na araw-araw nagzu-zumba gaya ni Lola Leticia. Kasama ang Hot Mamas, isang grupo ng mga senior citizen sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City, palagi silang aktibo.

 

Limitado ang serbisyo at pasilidad ng National Center for Geriatric Health na dapat sana ay tututok sa mga medikal na pangangailangan ng mga matatanda.

 

 

Isa ang Haven for the Elderly sa Tanay, Rizal sa apat na residential care facility ng DSWD para sa mga senior citizen. Nasa 253 senior citizen ang naghahati sa 14 na cottage dito.

 

May 15 senior citizen naman na residente sa Rain Tree Care Services, isang pribadong nursing home sa Muntinlupa City. Hindi bababa sa P65,000 ang bayad para sa kuwarto at pagkain ng mga residente rito. May nakatutok ding isang caregiver sa bawat isang residente.

 

Nagdesisyon si Jasmine at ang mga kapatid na ipasok sa nursing home ang nanay niya para mas maalagaan siya nang husto.

 

May iba namang buo ang loob na mag-isang hinaharap ang pagtanda gaya ng biyudang si Lola Glo, 70 taong gulang. Mag-isa siyang pumupunta sa doktor kung kinakailangan. Handa siya sa pagtanda. Bayad na ang kanyang memorial plan at museleo para wala nang iintindihin ang kanyang mga kamag-anak.

 

Gaano nga ba kahirap tumanda sa Pilipinas at gaano tayo kahanda sa pagtanda?