Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pabahay para sa mga biktima ng Yolanda, hindi pa rin tapos?


INVESTIGATIVE DOCUMENTARIES: CONSTRUCTION ONGOING
5 DECEMBER 2019
THURSDAY, 8:00 PM ON GMA NEWS TV

 

 

Anim na taon na nang manalanta ang bagyong Yolanda sa Guiuan, Samar noong Nobyembre 8, 2013.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, mahigit P90 bilyon ang pininsala ng bagyong Yolanda. Halos kalahating milyon naman ang nasirang bahay dahil sa bagyo sa Eastern Visayas.

Isa sa mga nawalan ng tirahan ang pamilya nina Tatay Luciano at Nanay Esther. Sa ngayon, nakatira sila ilang metro mula sa dagat. Nakatayo ang kanilang bahay sa No Build Zone kaya’t hindi ligtas manirahan dito. Gusto man nilang lumipat, wala raw silang malilipatan.

Sa ngayon, may 16 na proyektong pabahay ang National Housing Authority o NHA sa ilalim ng Yolanda Permanent Housing Project. Tatlo pa lang dito ang natatapos at tinitirhan ng 390 pamilya.

Ilan sa proyekto ng NHA ang St. Genevieve Site 1 at Site 2 sa Barangay Sapao, sa Guiuan. Noong 2015 sinimulan ang proyekto at sa taong iyon din ito dapat natapos. Nakatiwangwang at hindi pa rin napakikinabangan ang pabahay.

Mahigit P170 milyon ang pondo para sa proyekto. Nasa P195,000 ang halaga kada bahay. Sa target na 590 units, 213 pa lang ang natatapos.

 

 

Hindi rin napakikinabangan ang dapat sana'y dagdag na dalawang gusali sa San Isidro National High School sa San Isidro, Northern Samar. Dalawang palapag na may tig-anim na silid-aralan dapat ito.

Pinondohan ito ng Department of Education noong 2017 sa halagang P27.21 milyon. Department of Public Works and Highways o DPWH First District Engineering Office ng Northern Samar ang nangasiwa sa proyekto. Mayo 2017 ito sinimulan at tapos dapat noong Marso 2018. Mga haliging bakal pa lang ang naitatayo rito.

 

 

Ayon sa contractor, hindi sapat ang lupa sa lawak ng proyekto.

 

 

Sino ang dapat managot sa mga nakatiwangwang na proyektong ito?

Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV.