Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
'Investigative Documentaries'

Mga kakaibang ordinansa, alamin!


 

3 October 2019 Episode
ExtraOrdinansa

Bawal magkalat. Bawal mag-inuman sa pampublikong daan. Bawal ang tambay. Iyan ang karaniwang mga ordinansang pinagtitibay ng mga lokal na konseho. Sa Local Government Code, trabaho ng mga lokal na pamahalaan at ng barangay na magpasa ng mga ordinansang angkop at kailangan sa kanilang lugar.

Pero may ilang patakaran na kakaiba. Gaya ng bawal magsampay ng saplot panloob.

Sa Barangay Holy Ghost Proper sa Baguio City, may ordinansang nagbabawal sa mga residenteng magsampay ng panty, bra, bikini, briefs, at supporters sa bintana, veranda, at patio ng mga bahay. Daanan daw kasi ito ng mga turista.

Kung mapapagtibay naman, gusto ng Sangguniang Panlungsod ng Baguio City na ipagbawal ang “kissing, petting, necking, at lying down together in a scandalous manner” sa paligid ng Children’s Park sa Burnham Park.

Bawal naman ang tsismoso at tsismosa sa Barangay Moreno sa Binalonan, Pangasinan. Mayroon silang Anti-tsismis ordinance. May multa at community service para sa mga lalabag.

Ipinagbabawal din sa Baguio City ang pagmumura sa mga paaralan, computer shop, arcades, restaurant, at iba pang pampublikong lugar na madalas puntahan ng mga estudyante. Layon daw ng ordinansang panatilihin ang kabutihang asal sa mga kabataan. Pwedeng ipatawag ang magulang ng estudyanteng lalabag at posible rin siyang ma-suspend o mapatalsik sa eskwelahan.

Sa Motorcycle Riding-in-Tandem Ordinance naman ng Mandaluyong City, ipinagbabawal ang pag-angkas sa motorsiklo ng kapwa lalaki, maliban na lamang kung sila ay mag-ama o ang angkas ay bata edad pito hanggang 10 taong gulang. May multa at kulong sa mga lalabag.

Ano ang katwiran sa likod ng mga ordinansang ito? Epektibo ba ito laban sa mga problemang gusto nilang matugunan?

Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV.