Iba't ibang solusyon sa pagtaas ng bilang ng kaso ng dengue, alamin!
19 September 2019 Episode
TEPOK LAMOK
Nitong Agosto, nagdeklara ng National Dengue Epidemic ang Department of Health o DOH dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit nito. Ngayong taon, mahigit 200,000 kaso na ng dengue ang naitala sa buong bansa. Halos 1,000 na ang namatay.
Sumakit ang ulo at dalawang araw na nilagnat nang bago dinala sa Pagamutan ng Dasmarinas City ang apat na taong gulang na si Rhea. Ang Region IV-A ang pangalawa sa may pinakamaraming kaso ng dengue sa buong bansa. Isa lang si Rhea sa halos 3,000 kaso ng dengue sa Dasmarinas City, pinakamataas sa buong rehiyon.
Sa Quezon City naman, umabot na sa mahigit 4,500 ang naitalang kaso ng dengue. Ito ang pinakamarami sa buong Metro Manila. Ang solusyon ng Barangay Matandang Balara kontra dengue: 1,000 palaka sa mga estero, kanal, at matatalahib na lugar. Kumakain daw kasi ng mga lamok at iba pang insekto ang mga ito.
“Mosquito for Rice” naman ang naisip ng Barangay Alion sa Mariveles, Bataan. Hinihikayat ng barangay ang mga residente na manghuli ng lamok gamit ang pinggan na may mantika. Bawat isang plato ng mahuhuling lamok ay may kapalit na isang kilo ng bigas.
Nagpapakawala naman ng mga mosquito fish o kataba ang Bureau of Fisheries and Acquatic Resources o BFAR-Dagupan. Inilagay ang mga ito sa mga kanal ng paaralan at mga estero. Kinakain daw kasi ng mga mosquito fish ang itlog ng lamok.
Nagpapamigay naman ng mga Ovi-Larvicidal o OL trap kits sa mga paaralan ang Department of Science and Technology o DOST. Bawat OL trap kit, may isang itim na baso, lawanit, at pellet o paminta na hinaluan ng starch. Naaakit daw ang mga lamok sa amoy nito. Kapag nangitlog sa kit ang mga lamok, pwede na agad patayin ang itlog bago pa tuluyang maging lamok.
Ano ang alam ng mga Pinoy sa sakit na dengue at gaano kaepektibo ang mga programa ng mga lokal na pamahalaan at ng DOH para labanan ito? Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV.