Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

All-gender restrooms, sagot laban sa diskriminasyon sa LGBTQ+ community?


INVESTIGATIVE DOCUMENTARIES
12 September 2019 Episode

 


Noong Hulyo 2018, itinampok ng Investigative Documentaries ang Binan Custodial Facility, ang pinakamasikip na detention cell sa buong Region IV-A, ayon sa Philippine National Police. Dito, kailangang isang anggulo lang ang puwesto sa pagtulog para kahit paano ay makatulog ang mga detainee. Ito ang dahilan kung bakit karaniwang nagkakasakit sa balat at pulmon ang mga nakakulong dito.

 

Ngayong taon, nagpagawa ng mga bagong dagdag na custodial facility ang lokal na  pamahalaan ng Binan. May dalawang bagong tayong selda para sa mga lalaki, 70 preso ang kapasidad ng bawat isa. May bagong selda rin ang mga babaeng detainee na may 100 na kapasidad.

Sa kabila nito, 644% pa rin ang congestion rate sa Binan Custodial Facility.

Nitong Abril naman, siniyasat ng Investigative Documentaries ang krisis sa tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila. Mula kasi nitong Marso, nakararanas ng wala o kaya ay panaka-nakang patak ng tubig ang ilang mga customer ng Manila Water, isa sa dalawang kumpanya ng tubig na nagsiserbisyo sa Metro Manila.

 

Nitong Agosto, sa botong 12-0, pinagmumulta ng Korte Suprema ang MWSS, Maynilad, at Manila Water dahil sa paglabag sa Republic Act 9275 o ang Philippine Clean Water Act of 2004.

Mula ito sa direktiba ng Department of Environment and Natural Resources o DENR noong 2009 na nagpaparusa sa MWSS, Maynilad, at Manila Water sa pagkukulang  nitong tumupad sa mandatong magtayo ng mga bagong sewerage treatment facility.

 


Nitong Hunyo naman, tinalakay ng programa ang kawalan ng koryente ng halos 200 pamilya sa Sitio Pangarayuman sa San Miguel, Bulacan. Isa sa mga residente si Parina, na may sakit sa puso. Bawal siyang mainitan. Pero dahil walang koryente sa kanilang lugar, magdamag siyang pinapaypayan ng ina sa pagtulog.  Sa solar panels sila umaasa, pero limitado lang ang kayang itagal nito.

 

Nitong Hulyo, may nagmagandang-loob na magbigay ng bagong solar panel sa pamilya ni Parina. Kaya nitong mag-supply ng koryente nang buong magdamag.

 

Nitong Hunyo, tinalakay ng Investigative Documentaries ang pagkakaroon ng all-gender restroom sa ilang mga gusali bilang pagkilala raw sa karapatan ng mga miyembro ng LGBTQIA+.  Nitong Agosto, naging laman ng balita si Gretchen Diez, isang transwoman, nang hindi siya payagang gumamit ng female restroom sa isang mall sa Quezon City, kahit pa may Gender-Fair Ordinance sa lungsod na nagbabawal sa anumang uri ng diskriminasyon sa mga LGBTQIA+.

 

Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV.