Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Nakatengga na mga tulay sa ilang probinsya, sisilipin!


22 August 2019 Episode
TuLaylay

Malaking bahagi ng buwis ng bayan ang inilalaan para sa pagpapagawa ng mga tulay na dapat sana’y magpapakilos sa mga tao at produkto. Pero imbis na maging ligtas at mabilis ang biyahe ng mga residente, mas maraming pera at panahon ang nasasayang at nalalagay sila sa peligro dahil sa mga tulay na hindi napakikinabangan.

 

Itinayo ang hanging bridge na ito noong 1995 sa Sitio Mantae, Barangay Pudi, Nueva Vizcaya. Nasira ito noong Oktubre 2018 dahil sa bagyong Rosita. Poste na lang ang natira sa tulay. Ang mga residente ay bumababa sa ilog para makarating sa kabilang sitio.

 

 

Ang iba, nagtitiyagang dumaan sa mabatong bahagi ng ilog. Ang iba naman, nagmo-motor.

 

 

 

Araw-araw tumatawid ng ilog ang gurong si Mary para makarating sa Pudi Primary School na nasa kabilang sitio.

 

 

Nagbabalsa naman ang mga estudyante ng Kasibu National Agricultural School para makarating sa paaralan.

 

 

Delikadong tumawid sa ilog lalo na kung tag-ulan kaya’t hiling ng mga residente, magkaroon na ng bagong tulay sa sitio.

 

 

Sa Maragondon, Cavite naman, mahigit isang taon nang nakatengga ang Pinagsanhan Bridge na dapat sana’y magdudugtong sa Barangay Pinagsanhan A at Barangay Poblacion. Ipinatayo ito ng lokal na pamahalaan noong 1988.

 

 

Sinimulan ang rehabilitasyon ng tulay noong Marso 2018 dahil sa sirang sahig nito. Tapos na dapat ito noong Hunyo 2018. Nasa ilalim ng Local Infrastructure Project ng Department of Public Works and Highways ang rehabilitasyon nito sa pondong P4.7 million.

 

 

Eighty eight percent complete na raw ang pagkumpuni ng tulay nang ipatigil ng DPWH ang proyekto. Bahagya raw gumalaw ang isang posteng pinagdidikitan ng hanging bridge.

 

 
 

Dahil nakatengga ang tulay, nagbabangka ang mga tao para makapunta sa sentro ng Maragondon. Limang piso ang pamasahe ng matatanda habang dalawang piso naman ang singil sa mga estudyante. Kung umuulan at mataas ang tubig sa ilog, napipilitang mag-tricycle ang mga residente. P40 ang pamasahe.

Hiling ng mga residente, tapusin na ang pagsasaayos ng tulay.

 


Bakit matagal nang nakatengga ang tulay at sino nga ba ang nagkulang sa pagpapatupad ng mga proyektong ito?

Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV.