Mga kaso ng pananamantala sa kalalakihan, alamin!
1 August 2019 Episode
#KamiRin
Hindi lang babae o bata ang naaabuso. Maging ang mga lalaki ay nabibiktima. Ang kaibahan, walang batas laban sa pag-abuso sa mga lakaki.
Si Kim (hindi niya tunay na pangalan) ay pinagsamantalahan ng kapwa lalaki noong 14 na taong gulang pa lang siya. Isang lalaki raw ang puwersahan siyang dinala sa madilim na parking lot at doon pinagsamantalahan. Minsan din siyang nakaranas na bastusin at hipuan sa isang pampublikong palikuran. Nagdulot ng matinding takot ang mga insidenteng ito kay Kim pero hindi siya nagsumbong sa awtoridad.
Sampung taong gulang naman si Edgar, hindi niya tunay na pangalan, nang pagsamantalahan siya ng kanilang kasambahay. Dahil sa takot, hindi niya ito isinumbong sa pamilya o sa awtoridad. Hanggang ngayon, nakararanas siya ng pambabastos gaya ng pagsipol o pagtawag ng kung anu-anong pangalan sa mga pampublikong lugar. Naranasan din niyang yayain ng tatlong babae habang nag-aabang ng sasakyan sa Commonwealth.
Si “June” ay nakaranas naman ng pang-aabuso mula sa isang babae. Pero ang problema, iniba raw nito ang istorya at siya ang itinurong nanamantala. Napatalsik siya sa trabaho dahil dito. Sinampahan din siya ng kaso ng babae at napawalang-sala. Nakatulong daw sa kanya ang yoga para makalimot kaya nagtuturo siya nito.
Si “Theo” ay pisikal na sinasaktan naman ng dati niyang kinakasama. Siya rin ang kinasuhan nito ng paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children Act dahil sa hindi raw pagsusustento sa kanilang mga anak.
Inisa-isa ng Investigative Documentaries ang ilang istasyon ng Philippine National Police para alamin kung may mga lalaking nagsasampa ng kaso laban sa mga babae o lalaking umabuso sa kanila. Natatawa silang nagsabi na walang ganitong uri ng kaso at posibleng mahihiya ang biktimang lalaki na maghain ng reklamo.
Bakit nga ba hindi naiuulat ang mga kaso ng pang-aabuso sa mga lalaki at may batas nga bang pumoprotekta sa kanilang mga karapatan?
Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV.