Estado ng edukasyon sa Pilipinas, sisiyasatin sa 'Investigative Documentaries'
No Child Left Behind ang kampanya ng mga nasa sektor ng edukasyon. Lahat ng bata ay dapat na pumasok sa paaralan.
Pero mayroong nasa loob man ng paaralan ay napag-iiwanan pa rin. Si Joshua, hindi niya tunay na pangalan, ay nasa Grade 5 na pero napag-iwanan na sa pagbabasa. Isa siyang syllable reader, o mga pantig lang ang kayang basahin. Hirap din siya sa pagsusulat at pagbaybay.
Gayundin, sa 2017 Annual Poverty Indicators ng Philippine Statistics Authority (PSA), may 3.6 milyong out-of-school children and youth, mga edad anim hanggang 24 na hindi nakapag-aaral. Anim sa 10 out-of-school children and youth ay babae. Pangunahing dahilan ng hindi pagpasok sa eskwela ang pag-aasawa o usaping pampamilya.
Pero si Mericris, 17, patuloy sa pag-aaral kahit pa may dalawang taong gulang nang anak.
Grade 9 na ngayon si Mericris sa Quezon province. Araw-araw, sumasakay siya ng bangkang de sagwan at naglalakad ng para makarating sa paaralan.
Ayon naman sa Commission on Higher Education (CHED), mula 2009 hanggang 2017, tatlo lang sa bawat 10 kumukuha ng Licensure Examination for Teachers (LET) ang pumapasa. Kaya naman si Kier Baugbog, naghandang mabuti para sa pagsusulit. Topnotcher siya sa LET 2018. Pinili niyang magturo ngayon sa paaralang humubog sa kanya, ang Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela.
Gaano kahuhusay ang mga estudyante at mga guro natin sa loob at labas ng paaralan?