Pagpatay sa isang dalagita sa Dipolog City, sisiyasatin sa 'Imbestigador'
“DIPOLOG CITY: CRIME OF PASSION”
Sa pagganap nina Pen Medina, Ayeesha Cervantes at Dave Bornea
Pang-anim sa labing-limang magkakapatid ang labing pitong taong gulang na si Alina Emoy. Para makatulong sa pamilya, napilitan siyang huminto sa pag-aaral at kalaunan ay pumasok bilang kasambahay. Pero sa halip na maginhawang buhay, malagim na trahedya ang sinapit ni Alina.
Sa loob ng inuupahan niyang kuwarto sa Brgy. Sta Isabel, Dipolog City, walang awa siyang pinagsasaksak. Apat sa dibdib at isa sa likod ang kanyang tinamong saksak. Dahil dito, tuluyan siyang binawian ng buhay.
Sa paggulong ng imbestigasyon ng Dipolog City Police, tatlong bata ang natunton nilang naging saksi sa nangyaring pagpatay. Matapos matukoy ang kanyang pagkakilanlan, lumabas na may espesyal na pagtingin ang suspek sa dalagitang biktima!
Paano nga ba nauwi sa pagkamuhi ang nadama ng isang mangingibig para mauwi ito sa karumal-dumal na pamamaslang?
Sundan ang kabuuan ng kuwento at alamin ang mga kasagutan sa Imbestigador ngayong Sabado ng hapon, June 23 pagkatapos ng Wish Ko Lang!