Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Madugong bagong taon: Ang kaso ng ginang na inakusahang mangkukulam


Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador". Ang mga larawang ginamit ay halaw sa pagsasadula ng kaso. Napapanood ang "Imbestigador" tuwing Sabado ng hapon, 4:45 PM, pagkatapos ng Startalk. I-like ang official Facebook page ng Imbestigador at sundan ang Twitter account nito para sa updates.

Bisitahin din ang archives nito para sa iba pang kuwento ng mga kasong tinalakay sa programa.



Tahimik at payapa ang buhay na pinili ng mag-asawang Marcelo, 80 taong gulang, at Marcelina Pajullas, 75 taong gulang. Hindi biniyayaan ng anak ang mag-asawa, at ang anak ni Marcelo sa nauna nitong kabiyak ay matagal nang bumukod sa kanila. Sa kabila nito, magiliw na ginugol ng dalawang matanda ang kanilang oras sa pagsasaka at pag-aalaga ng mga hayop.
 
Pero mababasag pala ang katahimikang ito ng isang nakagigimbal na balita.
 
Kumalat sa Barangay San Mariano Norte sa San Guillermo, Isabela ang kuwentong isa umanong mangkukulam si Lola Marcelina. Nauugnay kasi ang matanda sa mga kaso ng hindi maipaliwanag na pagkakasakit sa kanilang lugar.


 
Nakadagan sa leeg
 
"Ang sabi ng albularyo, 'Lagi mong kausap ang taong kumulam sa iyo. Lagi kang pumupunta sa bahay nila,'" kuwento ni Villamor Remiendo, residente ng barangay at isa sa mga kumbinsidong kinulam siya ni Lola Marcelina. 
 
Nagpasyang dumulog si Villamor sa isang albularyo matapos umanong hindi tumalab ang kung ano-anong inireseta sa kaniya ng doktor. Aniya, hindi maalis-alis ang pananakit sa leeg niya na bigla na lang niyang naramdaman isang umaga. Parang may nakadagan daw dito kaya naman dumulog siya sa isang albularyo. 
 
"Si Marcelina agad ang naisip ko. Siya lang naman ang lagi kong kausap," dagdag pa niya.
 
Sa payo ng albularyo, kinausap ni Villamor si Lola Marcelina. Pumunta ito sa bahay ng matanda pero hindi raw siya hinarap nito. "Sinabi niya wala raw siyang ginawa sa akin."
 
Umuwi si Villamor at ikinuwento ang sinabi sa kaniya ng albularyo sa anak na si Christian. Ikinagalit ng anak ang balitang narinig kaya ito na raw mismo ang sumugod sa bahay ni Lola Marcelina. 
 
Pinagtataga ni Christian ang bahay ng mag-asawang Pajullas at saka binantaang maging sila'y pagtatagain din. Itinanggi ni Lola Marcelina ang bintang na pangkukulam ngunit ayaw maniwala ng nakababatang Remiendo. Nagbanta itong kapag hindi tinanggal ang kulam sa kaniyang ama ay tutuluyan niya ang mag-asawa.
 
Pag-uwi ni Christian, tila himalang gumaling umano ang ama mula sa iniindang karamdaman. Dito na lalong tumindi ang alingasngas sa barangay na mangkukulam si Lola Marcelina.


 
Pati apo ng kapitan
 
Maging ang apo ng kapitan ng barangay, hindi umano nakaligtas sa bagsik ng mangkukulam. "Yung apo ko, bigla na lang lumaki ang mukha, leeg at paa," kuwento ni Inocencio Bustamante, kapitan ng Barangay San Mariano. 
 
Nang hindi bumuti ang kondisyon ng bata makalipas ang dalawang linggo, dinala rin ito sa albularyo kung saan nakumpirma umano nilang kinulam din ang bata. "Nakukulitan daw sa bata o naiingayan," ani Inocencio. "Walang ibang may kakayahan mangkulam kung hindi si Marcelina lang."
 
Dahil sa galit, agad sinugod ng kapitan ang bahay ng matandang si Lola Marcelina, bitbit pa ang kaniyang baril. Dito naging malinaw ang banta ng opisyal. 
 
"Sabi ko kung hindi mo papagalingin ang apo ko, lumayas kayo sa barangay ko ngayon din," ani Inocencio. Gaya ng dati, mariin pa rin daw ang pagtanggi ng matandang babae sa ibinibintang na pangkukulam. "Wala siyang inamin. Hindi raw siya ang gumawa," dagdag pa ng kapitan.
 
Pero pag-uwi ng nag-aalburotong si Inocencio, magaling na rin daw ang kaniyang apo! "Parang panaginip. Pag-uwi ko, wala na ‘yung maga ng apo ko. Naglalaro na. Maayos na ang lagay. Wala nang sakit," hindi makapaniwalang sambit ng kapitan.
 
Dahil dito, mas naging kumbinsido ang mga residente ng barangay sa usap-usapan. Mangkukulam daw ang kanilang matandang kapitbahay.


 
Biktima rin ang buntis
 
Kinatakutan at pilit na iniwasan sa kanilang barangay si Lola Marcelina. May sakit naman ang asawa nitong si Lolo Marcelo kaya sa kabila ng edad, mag-isang binubuno ng matanda ang mga gawaing bahay. Ito rin ang dahilan kung bakit kinaawaan siya ng mag-asawang sina Herwin at Ginalyn Valdez.
 
"Mabait naman po siya sa amin. Masipag po at lagi kong nakikita naggagapas ng tanim," sambit ni Herwin. Madalas daw pumunta sa kanilang bahay ang matanda para makiigib ng tubig. Lagi ring nakakakuwentuhan ni Lola Marcelina si Ginalyn, na noo'y nagdadalantao.
 
Isang araw, habang nasa bukid si Herwin para magsaka, nakiigib ng tubig si Lola Marcelina. Nabati raw nito ang tiyan ni Ginalyn. Bilog na bilog na kasi ito dahil malapit na siyang manganak. Hinawakan ni Lola Marcelina ang tiyan ni Ginalyn.
 
Kinagabihan, namimilipit na raw sa sakit ang buntis. Hindi pa naman kabuwanan ni Ginalyn kaya palaisipan sa kanila ang iniinda nitong sakit sa tiyan. Nabanggit nitong hinawakan ni Lola Marcelina ang kaniyang tiyan at sa palagay nila'y nausog siya ng matanda.
 
Dali-daling sinundo si Lola Marcelina para malawayan nito ang tiyan ni Ginalyn. Pinaniniwalaan kasi itong isang mabisang paraan para mawala ang usog. Ngunit ayaw daw itong gawin ng matanda at iginigiit na wala siyang kinalaman sa pagsakit ng tiyan ng buntis.
 
"Ang lumaway ‘yung asawa niya, yung lalaki," kuwento ni Herwin. Subalit imbes na guminhawa, lalo pa palang lumubha ang lagay ng buntis na si Ginalyn. "Paglaway sa tiyan ng asawa ko, doon na siya sabay halos nawalan ng malay. Ayun itinakbo namin sa ospital." Dead on arrival sa pagamutan ang buntis.
 
Dahil sa kanilang paghihinagpis, nagkalamat na ang pakikitungo ni Herwin sa mag-asawang Pajullas. Higit ding pinaigting ng pagkamatay ni Ginalyn ang suspetsa ng mga taga-San Mariano Norte na isa-isa nga silang kinukulam ni Lola Marcelina. 


 
Madugong bagong taon
 
Gayunpaman, pilit na ipinagpatuloy ng nabalong si Herwin ang pagtulong kay Lola Marcelina at sa asawa nito. Isang araw, matapos may ipaayos sa bahay ang matanda ay nagalit daw ito kay Herwin. "Nagagalit siya sa akin dahil sa mga tambak. Tapos bigla na lang niyang sinabi na, 'Alam ko ako ang sinisisi mo sa pagkamatay ng asawa mo.'"
 
Hindi na raw nakapagpigil pa si Herwin at nasagot niya si Lola Marcelina. Sa gitna ng kanilang pagtatalo, ikinagulat nito ang ginawang pag-amin ng matanda: "Oo, ako ang pumatay sa asawa mo!"
 
Dito na nagdilim ang paningin ni Herwin at nagawa niyang pagbuhatan ng kamay ang 75 taong gulang na ginang. Mabuti na lamang at naawat sila ng ilang kapitbahay.
 
Lumipas ang ilang buwan na walang naglakas loob pang kausapin o kaibiganin pa si Lola Marcelina. Tahimik nilang ipinagpatuloy ang buhay sa barangay, sa kabila ng takot sa matanda.
 
Pero may hangganan din ang pagkatakot nila.
 
Matapos ang halos magdamagang inuman bilang pagsalubong sa bagong taon noong 2013, pauwi na sana sa kanilang bahay si Rey Bautista, pinsan ni Ginalyn. Matagal na rin siyang kumbinsidong kinukulam nga ni Lola Marcelina ang mga kapitbahay nila sa barangay, kabilang na ang yumao niyang pinsan. Nang mapadaan sa tapat ng bahay ng matanda, nakita niya umano itong tila nag-oorasyon hawak ang isang bilao at mga bigas. Paulit-ulit binabanggit ni Lola Marcelina ang pangalan ni Rey.
 
"Isip niya siya na ang susunod na kukulamin," pahayag ng lokal na pulis sa San Guillermo. Dali-daling umuwi sa kanila si Rey, kumuha ng itak at saka sumugod sa bahay ng mag-asawang matanda. Dinatnan niyang nagkakatay ng manok si Lola Marcelina sa kusina. Dito na rin niya paulit-ulit na pinagtataga ang matanda. Nagtamo ito ng mga sugat sa leeg, katawan at mga braso. Napatay ni Rey ang sinasabing mangkukulam ng Barangay San Mariano Norte.


 
Hindi sagot ang karahasan
 
Nang matauhan sa nagawa, kumaripas ng takbo si Rey papunta sa kabilang barangay. Humingi ito ng saklolo mula sa kanilang malayong kamag-anak. Dagli namang nakipag-ugnayan ang kamag-anak sa lokal na pulisya para maharap ni Rey ang krimeng nagawa.
 
Kasalukuyan ngayong nakapiit si Rey habang hinihintay ang hatol sa kaniya ng korte. Murder ang kasong isinampa laban sa kaniya. Hindi na siya nagpaunlak pa ng panayam.
 
Samantala, matinding pinabulaanan ni Restituto Pajullas ang paratang na mangkukulam ang kinagisnan niyang ina. "Wala akong nakita kahit kailan na may orasyon silang ginawa. Maging ako, nagkakaaway kami dati pero wala naman siyang ginawa na masama sa akin," aniya. Ilang araw lang matapos mapatay si Lola Marcelina ay pumanaw na rin ang kabiyak nitong si Lolo Marcelo.
 
Sa tulong naman ng programang "Imbestigador" ay muling dumulog si Herwin sa ospital kung saan dinala ang asawang si Ginalyn. Dito ay masusing ipinaliwanag ng sumuring doktor na atake sa puso at hindi kulam ang ikinamatay ng asawa.
 
Giit ng kapitan ng barangay na si Inocencio, mas naging tahimik na raw ang kanilang lugar simula nang mawala ang mag-asawa. Wala na raw mga hindi maipaliwanag na pagkakasakit doon.
 
Maaaring nakaranas ng mga bagay na hindi kayang ipaliwanag ng siyensiya ang mga taga-San Mariano Norte, pero hindi kailanman susi ang dahas para lamang malutas ang mga bagay na hindi maipaliwanag.---Irvin Cortez/BMS