Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Calumpit rape-slay: ang karumal-dumal na pagpaslang kay Anria Espiritu

 



 


Isang babaeng tadtad ng saksak sa leeg, nakatiklop ang kamay at wala nang buhay—ito ang eksenang gumimbal sa ilang residente ng Barangay Sapang sa Calumpit, Bulacan.  
 

Nakahandusay ang bangkay sa isang matubig na palayan. Nang makita pa ito ng magsasakang si Nilo, inakala pa raw niyang manikin ang duguang katawan sa sobrang kaputian.

Sa hindi kalayuan, natagpuan ang isang screw driver at kadena. Ilang metro lang din ang layo sa bangkay, narekober naman ang isang pink na panty na may bahid ng dugo.

Ang litrato ng eksenang pinangyarihan ng krimen, mabilis na kumalat sa Internet.

Hindi nagtagal, positibong kinilala ng labing-limang taong gulang na si Helen ang pinsang si Anria Galang Espiritu sa mga kumalat na larawan. Ipinagbigay-alam agad ni Helen ang balita sa kasintahan ni Anria na si Jeff. Pagdating ni Jeff sa mga kinauukulan, halos pagsakluban siya ng langit at lupa dahil sa nadiskubre.

Kumpirmado: Ang nobyang si Anria ang bangkay dahil siya raw mismo ang nagbigay ng suot nitong sandals!

Tatlong taon nang magkasintahan ang dalawa at may balak na nga raw silang magpakasal sa susunod na taon.

Pero ang kanilang matamis na pangarap, nawasak sa isang iglap.

Base sa pinagsama-samang salaysay at mga nakalap na ebidensiya, nabuo ang anggulo na maaaring halinhinang hinalay si Anria bago pinatay. Ayon sa medico legal, ikinamatay ng biktima ang mga natamo nitong sugat sa bandang panga, leeg at pagitan ng dibdib at tiyan.

Manu-mano rin daw na sinakal si Anria na siyang naging dahilan upang malagutan ito ng hininga.

 
Huling gabi ni Anria

 


 

 Nooong gabi ng August 13, nagpaalam si Anria sa kanyang nanay na si Aling Gloria. May pupuntahan daw itong kaibigan at mga bandang alas-diyes daw ito uuwi ng bahay. Bago umalis, binilinan pa niya ang ina na mag-ingat.

Ang sinasabing kaibigan ni Anria, isang labing-walong taong gulang na lalaking nagngangalang Danilo. Nagkakilala raw sila sa isang social networking site. Base sa salaysay ni Danilo sa mga pulis, ito raw ang kanilang unang pagkikita. Napagkasunduan daw nilang manood ng sine sa Malolos at uminom sa isang bar pagkatapos.

“Bandang 10 PM tinanong ko siya kung gusto niyang uminom, sabi niya oo kasi may problema rin daw siya,” ani Danilo.

Dalawang text messages pa raw ang natanggap ni Aling Gloria mula sa anak noong gabing iyon, pero hindi niya inakala na ito na pala ang huling beses na makakausap niya ang anak.

“Sabi niya 1 AM siya uuwi, tapos naging 2 AM. Hindi naman ako nag-alala kasi sanay na kaming lumalabas siya,” aniya.

Natapos ang inuman nina Danilo at Anria noong bandang ala-una ng madaling araw. Ayon kay Danilo, nagpumilit daw siyang ihatid ang dalaga dahil halatang nahihilo na ito, pero tumanggi raw ito. Isinakay na lang niya si Anria sa isang maliit at medyo lumang pampasaherong jeep na may rutang Apalit-Calumpit. Dagdag pa niya, parang may kakilala raw ang biktima sa sasakyan.

Ang tinutukoy ni Danilo ay ang make-up artist na si Hannah. Nakasama raw siya ni Anria sa ilang photoshoot. Ayon sa kanyang salaysay, napansin na raw niyang nakainom ang dalaga. Pasado ala-una ng madaling araw ay nauna raw siyang bumaba kaysa sa biktima sa harap ng isang gasolinahan.

Ang paglalarawan nina Hannah at Danilo sa jeep, pati ang kuha ng CCTV sa lugar, nagtutugma. Pero ang hitsura ng driver, pareho nilang hindi natatandaan.

Paglitaw ng katotohanan?

 


 

Tila ang palay na mismo ang lumapit sa manok dahil sa burol ni Anria noong tanghali ng August 18, dumating ang driver ng jeep na si Elmer Joson kasama ang kanyang asawa. Magbibigay daw sila ng impormasyon na maaring makatulong sa pagresolba ng kaso.

Pero may napansing kakaiba ang pamilya ni Anria: maraming mga marka ng kalmot sa katawan si Elmer. Dito nagsimula na silang magduda.

Depensa ni Elmer, nakuha raw niya ang mga kalmot sa madalas na pagtatalo nila ng kaniyang asawa. Ang kaniyang misis naman, sinabing katabi raw niya sa jeep ang mister noong gabing sumakay si Anria.

Pero taliwas ito sa pahayag nina Hannah at Danilo na walang ibang sakay na babae sa loob ng jeep. Paliwanag pa ng misis, nakita raw niyang bumaba si Anria sa kanto papuntang Barangay Babag na tila may kausap pa sa cellphone.

Paglutang ng mga testigo

 


 

Kamakailan lang, isang panibagong testigo ang inaasahang mas makakapagbigay-linaw sa kaso.

Ayon sa salaysay ng saksing si Banong, isa ring drayber, bandang alas-dos ng madaling araw ay nakita raw niya si Anria na lulan ng isang jeep kasama ang tatlong lalaki. Kapansin-pansin daw na mabilis itong umandar at parang naghahanap ng malilikuan.

Positibong kinilala ni Banong ang tatlong lalaking kasama ni Anria dahil kapwa drayber niya raw ang dalawa rito, sina Ramil Diarca alyas Bakulaw na siyang nagmamaneho, Melvin Ulam alyas Long Hair na dikit na dikit daw kay Anria at si Elmer Joson, ang driver ng jeep na pinagsakayan ni Danilo kay Anria. Katabi raw ni Elmer si Diarca sa harapan.

Ang kumplikado sa salaysay na ito, hindi magkatugma ang paglalarawan ni Banong sa nakitang jeep at sa salaysay nina Hannah at Daniel tungkol sa unang sinakyan ni Anria.

Ayon din sa imbestigador ng kaso, hindi lang daw tatlo kungdi apat ang kalalakihang kasama ni Anria sa panibagong jeep. Pinatunayan ito ng bagong testigong si Christian, na sinabing nakita raw niya si Anria na sumakay ng mahaba at berdeng jeep kasama ang isang hindi kilalang lalaki. Kilala rin ni Christian ang iba pang kasama ni Anria na positibo niyang pinangalanan bilang sina Joson, Diarca at Ulam.

“Bale may tatlong lalaki sa driver’s side. Sa likod ay si Anria at isa pang lalaki,” aniya.

Mariin ding itinanggi nina Diarca ang kanilang pagkakadawit sa krimen. Ayon kay Diarca, imposible raw na siya ang drayber ng pangalawang jeep na tinutukoy ni Christian dahil sira raw ang kaniyang sasakyan noong araw na iyon. Ipinagtanggol din siya ng kaniyang misis na sinabing kasama niya ang asawa mula August 13 hanggang August 14. Dinepensahan din si Diarca ng mismong operator ng jeep na kaniyang minamaneho at nagpakita pa ng resibo na magpapatunay daw na sira ang kanilang sasakyan.

Depensa naman ni Ulam, palipat-lipat daw siya ng jeep noong gabing mangyari ang krimen.

May hustisya pa ba?

 


 

Kasalukuyang nakakulong sa Calumpit Police Station ang mga suspek na sina Joson, Diarca at Ulam. Patuloy pa ring tinutukoy kung sino ang ikaapat na lalaking may alyas na kalbo na posibleng sangkot din sa karumal-dumal na kaso.  Hinihintay din ang magiging resulta ng DNA test sa tatlong arestado sa susunod na buwan, dito raw mapapatunayan kung sila nga ba ang gumahasa sa biktima.

“Ngayong patay na siya, talagang iba talaga. Ngayon ko nararamdaman ‘yung pagkawala niya,” ani Aling Gloria.

Naihatid na si Anria sa kaniyang huling hantungan, ngunit hindi rito nagwawakas ang laban para sa katotohanan.  Ipagpapatuloy ng kaniyang mga mahal sa buhay ang paghahanap ng katarungan.

Sama-sama nating ipagtanggol ang ating karapatan kasama ang nag-iisang Sumbungan ng Bayan tuwing Sabado, 4:45 PM sa GMA. Sundan din ang Imbestigador sa aming official Facebook at Twitter accounts. —Yuji Gonzales/ARP

 
 

 

Tags: webexclusive