‘Cyber Nanay’: Ang kaso ng inang isinabak ang sariling mga anak sa panghahalay
Nasubukan na raw ni Maria ang halos lahat ng uri ng trabaho—paglalaba, pagtitinda at maski pangangalakal. Ngunit kahit ano raw ang gawin niya, hindi pa rin sapat ang kakarampot na kinikitang pera upang mairaos ang pangangailangan ng pamilya, kahit isama pa ang katiting na kita ng kinakasamang si Ron sa pagwe-welding.
Hiwalay si Maria sa unang asawa, ngunit kasama niya sa kanilang bahay sa Taguig ang kanilang anak na si Karen, 16. Nagbunga rin ang halos 10 taong pagsasama nila ni Ron ng dalawang supling—ang 10-taong-gulang na si Laisa at pitong-taong gulang na si Daniel.
Maliban sa isang kahig at isang tukang pamumuhay, dumaing pa si Maria na biktima raw siya ng mapanghusgang mga mata ng kanyang mga kapitbahay dahil sa naghihikahos nilang kalagayan. Kaya naman nang mapagod kumayod ang tagapagtaguyod, mapusok na raket ang kaniyang pinasok.
Pinatulan ni Maria ang alok ng ng isang kaibigan na maghubad sa webcam sa mga dayuhan, may maipantawid gutom lang sa kumakalam na tiyan. Ang tila raw hulog ng langit, ‘yun pala’y sa patalim ang pagkapit. Sa madaling sabi, katawan ang kaniyang naging puhunan.
Aminado siyang nahirapan noong una dahil hindi siya masyadong marunong gumamit ng computer at Internet, dagdag pa na hindi rin siya marunong mag-Ingles.
Ngunit dala na rin ng matinding kagustuhan na kumita ng malaki ay mabilis niyang natutunan ang kalakaran.
“Makikipag-chat ka lang with foreigners. Sasabihan ka nilang maghubad, pero may bayad ‘yun. Then, ipapagawa nila ‘yung ganito, ipapagawa nila ‘yung ganun,” kuwento ni Maria.
Pagkatapos daw ng kababalaghan ay pag-uusapan kung paano makukuha ang pera at kung mauulit pa ang parausan. Walang nagawa si Maria kundi tibayan ang sikmura, may maiabot lang sa mga anak.
Nagkamali si Maria nang inakala niyang tuluy-tuloy na ang ginhawa. Hindi kalaunan ay nagsara ang cybersex den ng kaibigan dahil umano sa pagkalugi.
Ngunit sadyang walang makapipigil sa pagbabanat ng taong salat. Hindi nagtagal ay nagtayo ng sariling negosyo si Maria gamit ang naipong suweldo. Kung dati ay siya ang namamasukan, ngayon nama’y siya na ang namuhunan.
“Binili ko ‘yung ibang pera ng computer. Sabi ko, try kong maghanap, ‘yun,” aniya.
At nagtayo nga ng sariling cybersex den si Maria. Ngunit sa simula ay hindi naging gaanong masigla ang takbo nito dahil ang mga parokyano, naging mas choosy.
Kung dati ay parausan lang ang kanilang hanap, ngayon ay mas gusto na ng mas bata at sariwang ka-chat. “’Yung mga customer po minsan ayaw na sa amin kasi matanda na raw po kami,” ani Maria.
Tuluyan na ngang naging pugad ng kalaswaan at kahalayan ang bahay ni Maria. Nakumbinsi daw niya ang mga anak ng mga kapitbahay na mag-“show” kapalit ng pera, kabilang na ang 16 na taong gulang na si Grace, na kapos ang pamilya. May nakukuhang komisyon si Maria sa bawat show, at kung minsan pa nga raw ay palay na ang lumalapit sa manok.
“Huhubarin po ‘yung bra, ‘yung panty, tapos ipapakita niya. Binibigyan ko siya ng pang-baon. Tapos kasi ‘pag P1,200 lang ‘yung pinadala hahatiin namin ‘yun dapat tig-P600 kami. Sabi ko ‘yung P200 iipunin natin sa maintenance, kunwari may masirang camera,” paliwanag ni Maria.
Isinalang ang mga anak
Hindi nakuntento ang mga parokyano sa mga dalagang isinasalang ni Maria at humiling ng mas bata pa. Kaya naman ang ating “Cyber Nanay,” isinabak na sa camera pati ang sariling mga anak na sina Karen at Laisa na parehong menor de edad.
“Kinakausap ko ang mga anak ko, show tayo para may pera pambayad natin ng kuryente, tubig, tapos kakain tayo sa Jollibee o kaya mag-iipon ng pera.”
Sa murang edad pa lamang, tuluyan nang nalason ang katawan at pag-iisip ng mga anak ni Maria. Imbis na pumapasok sa eskwela o naglalaro sa labas ay nasa bahay lamang sila at kumikita ng dolyar dahil sa kabulastugan ng ina.
“’Mama, gusto ko ng pambili ng cellphone,’ ganun, sabi ko sige, magshow ka para magkapera tayo. Kasi nga sinabi ko, kunyari itong birthday niya, bibilhan kitang cake tapos maghahanda tayo, ‘yun sige lang,” kuwento ng ina.
Hindi lang pala ang mga anak na babae ang isinabak ni Maria. Pati ang bunsong anak niyang si Daniel, hindi nakaligtas. Ang mas masaklap pa, si Maria raw mismo ang humahawak sa ari ng anak na lalaki tuwing may “show.”
Pinanindigan ni Maria ang negosyo dahil ayaw na raw niyang bumalik sa mas mahirap pa sa dagang pamumuhay, at mas lalong ayaw na raw niyang mapagtawanan dahil sa pangangalakal ng basura.
Kaya naman kahit alam niyang bawal ay itinuloy pa rin niya ang lihim na operasyon ng cybersex den. Dahil dito ay naipasemento niya ang kanilang dating barung-barong lang na bahay, at nakabili ng mga bagong gamit.
Marami na nga rin ang nakapansin ng pag-asenso ng pamumuhay nila Maria, tulad ni Jerome na nakita raw mismo ang aktwal na operasyon sa den ng minsang magkamali ng pasok ng bahay.
"Pag-akyat ko po, nakita ko po ‘yung kaibigan ko nagsho-show po. Pagbukas ko po ng pintuan, may nakita po akong babaeng nakahubad po sa upuan sa harap ng computer, tapos nakita niya rin po ako nagulat nagtakip ng tuwalya,” salaysay ni Jerome.
Dagdag pa ni Jerome, pati nga raw siya ay naalok ni Maria na sumabak sa cybersex bilang kapareha ng sarili nitong anak na si Karen, na tinanggihan naman ng binata.
Nanatiling tikom ang bibig ni Jerome tungkol sa natuklasang lihim ni Maria, ngunit nang simula siyang kutuban tungkol sa kanyang nakababatang kapatid na si Sharon ay agad siyang nagsumbong sa kanilang ina na si Tina.
Isang araw, hindi raw nasundo si Sharon sa eskwelahan kaya napilitan itong maglakad. Ngunit bago pa man makarating sa bahay ay naharang umano ito ni Maria at inalok ng merienda sa kanilang bahay.
Niyaya rin daw ni Maria na maglaro ang bata ng computer games sa ikalawang palapag, ngunit na-engganyo itong panoorin si Maria na makipagchat sa isang banyaga.
Hindi inasahan ni Sharon ang mga sumunod na pangyayari. Pilit daw ibinababa ni Maria ang kanyang shorts habang nagpupumiglas siya. Inalok pa raw ito ng pera at sinabihang wala namang makakakita ng kanilang gagawin. Namayani ang takot kay Sharon at agad itong tumakbo palabas ng bahay ni Maria habang umiiyak.
“Gusto niya pong umuwi kasi ano parang inaano na rin po siya binabastos sabi ng kapatid ko ‘uwi na po ako baka hinahanap po ako ng mama ko’ sabi po [ni Maria] ‘teka lang anuhin lang natin ‘to bibigyan din kita’,” ani Jerome.
Sanib-puwersang aksyon
Ang pambabastos sa anim na taong gulang kapatid ang naging mitsa ng pagkakabisto sa kabulastugan ni Maria.
Nagsampa ng pormal na reklamo sina Tina at Jerome, Hindi nagtagal, nakarating ang kaso sa National Bureau of Investigation Anti-Human Trafficking Division. Ito ang nag-udyok sa awtoridad upang magsagawa ng isang masusing pagmamanman sa itinuturing na “Cyber Nanay” ng Taguig.
“Ayon na rin po sa aming mandato, ang lahat po ng trabahong ito ay aming ginagawa parte ng aming pag-ibayong kampanya laban sa human trafficking, lahat ng uri ng trafficking, kasama na nga po diyan ang cybersex,” ani Atty. Eric Nuqui ng NBI.
Tumulong rin ang Department of Homeland Security ng Estados Unidos sa teknikal na aspeto ng operasyon, gaya ng pagrerekober ng email at pagsiyasat sa galaw ng mga server ng website sa Amerika. Natunton ng kinauukulan ang lungga ng cybersex sa pamamagitan ng paggamit ng isang Amerikanong asset na kinagat naman ng target.
“Kapag nagpapadala ng mga larawang hubad ng mga bata, nagcha-charge ‘yung suspect natin ng 30 dollars para sa paunang mga larawan, at sa performance naman ay nagcha-charge siya ng 100 dollars at kung minsan ay umaabot pa ng 200,” ani Nuqui.
Pinagpatuloy pa ng NBI ang pakikipag-chat at pagmamanman sa suspek. May mga pagkakataon pa nga na mismong si Maria na ang humaharap sa camera upang makipag-transaksiyon. Ipinakilala rin ni Maria sa asset ang kanyang anak na si Laisa.
Pagkatapos ang halos dalawang buwang pag-iimbestiga ng NBI at ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas at Amerika, sinimulan na ngang tuntunin ng awtoridad ang cybersex den sa Taguig.
“Base rin po sa ating impormasyon na natanggap, hindi lang po ang pamilyang ito ang involved sa ganoon. Ang gawaing ito ay pinagkakakitaan ng maraming tao sa lugar,” dagdag pa ni Nuqui.
Sa bisa ng search warrant na inilabas ng isang korte sa Taguig, tinunton ng mga operatiba ang target at area at matiyagang naghintay na mag-online si Maria. Hindi katagalan ay nakipag-transaksyon na si Maria, at pinaghubad ang dalawang anak kahit wala pang sinasabi ang asset.
Dahil dito ay napilitan nang salakayin nga mga awtoridad ang bahay. Dito natagpuan ang isang babaeng nakahubad sa ikalawang palapag na kinilalang si Laisa.
“Bago pa gumawa ng sexual action ‘yung mga bata, pinasok na po natin ’yung bahay at nung napasok nga po natin, naka-on pa ‘yung laptop computer at nahuli po siya in the act na pinapagawa ng kalaswaan ang mga anak sa harap ng kamera,” ani Nuqui.
Inamin ni Maria na isa siya sa mga promotor ng iligal na cybersex operation sa kanilang lugar. Iginiit niya na ayaw na raw niyang bumalik sa dating buhay kung saan kinukutya at pinagtsitsismisan siya ng mga kapitbahay.
“Humihingi po ako ng tawad sa anak ko, saka sa lahat ng nadamay po, ‘yun lang po. Saka humihingi po ako ng tawad sa Panginoon, na sana po bigyan Niya po ako ng tamang daan,” aniya.
Ang dalawang anak naman ni Maria ay dinala sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development, kung saan sasailalim sila sa mga counselling sessions.
Ayon sa Department of Justice, palala raw nang palala ang cybercrimes sa Pilipinas. Halos 70 porsiyento sa mga ito ay online child abuse.
"The Philippines is one of the largest na tinatawag na source countries of online child abuse materials kasi nga maraming marami tayo. We have a young population and we have poverty issues,” ani DOJ Assistant Secretary Geronimo Sy.
Aminado si Sy na kailangan pang mas paigtingin ng gobyerno ang mga programa nito kontra pornograpiya at iba pang cybercrime, lalo na’t pabata nang pabata ang mga nagiging biktima sa paglipas ng mga taon.
Dito rin daw pumapasok ang responsibilidad ng pamilya na ilayo sa ganitong mga kalaswaan ang mga anak. Ngunit sa kaso ng “Cyber Nanay” na mismong ina ang nagsasabak sa mga anak sa kahalayan, may pag-asa pa nga bang matigil ang ganitong kalakaran?
--Yuji Gonzales/ JDS, GMA News