Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

‘Anak ko ‘yan!’: Ang kaso ng batang pinag-aagawan


Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador". Ang mga larawang ginamit ay halaw sa pagsasadula ng kaso. Napapanood ang "Imbestigador" tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho. I-like ang official Facebook page ng Imbestigador para sa updates.





Hanggang saan ang kayang isakripisyo ng isang ina alang-alang sa kanyang anak?

Tila iyan yata ang nais ipasagot ng kapalaran kay “Belinda”, hindi niya tunay na pangalan. Sa katunayan, tingin ni Belinda ay kakambal na niya ang kamalasan sa dami ng pagsubok na kinakaharap niya sa buhay.

Hindi niya inakalang isang malaking dagok pa pala ang susubok hindi lang sa kanyang katatagan kundi pati na rin sa kanyang pagmamahal sa sariling dugo’t laman.

Tatlong taon na ang nakararaan nang pasukin ni Belinda ang isang ipinagbabawal na relasyon. Nakilala niya si “Teddy”, isang lalaking may asawa. Alam naman ito ni Belinda mula sa simula subalit nanaig ang pag-ibig niya para sa lalaki. Hindi nagtagal, nagbunga ang kanilang pagtitinginan. Buntis si Belinda sa ikalawa niyang anak, at sa panganay nila ni Teddy.

Masakit man para kay Belinda, hindi na siya umasa pa ng suporta mula sa ama ng kanyang dinadala, lalu’t batid niyang hindi rin naman siya ang tunay na asawa. "Walang mag-aalaga sa akin noon at hindi naman ako makaasa sa lalaki. Hindi nga ako binabantayan sa ospital, hindi nga ako dinadalaw,” salaysay niya. "Dalawa yung anak ko tapos gusto ko magtrabaho para masuportahan ko silang dalawa."



Dahil dito, humantong si Belinda sa isang masakit na desisyon: ipapaalaga muna niya ang kanyang bagong silang na sanggol sa isang malayong kamag-anak. "Nung nagbuntis ako, kinausap ko yung auntie ko na ipapaalaga ko sa kanya yung anak ko," sabi ni Belinda. Malinaw daw ang naging usapan nila sa kondisyon ng pag-aalaga sa bata. "Ipapaalaga ko sa kanya tapos every two weeks, dadalhin niya sa akin para ipaalam niya sa akin kung anong nangyari sa bata. Tapos, magpapadala ako sa kanya ng suporta."

Subalit hindi niya inaasahang pagkatapos lamang ng isang linggo, maglalahong parang bula ang tiyahing pinagkatiwalaan niya. Bigla na lamang hindi nagparamdam si "Janice", ang tiyahin ni Belinda na kumupkop sa batang itatago natin sa pangalang "Baby Lei." Ani Belinda, tila gumuho raw ang mundo niya sa mga panahong iyon kaya naman napagpasyahan nila ni Teddy na hanapin ang nawalay na anak.

Sa kanilang pagpupursigi ay natagpuan nila ang tirahan ni Janice sa Sta. Ana, Pampanga. Agad nilang tinungo ang lugar para mabawi ang anak subalit isang malaking rebelasyon ang kanilang dinatnan doon. Wala na pala sa bansa ang taong pinag-iwanan nila sa bata. "Sa tiyahin ko pinaalaga yung anak ko. Doon ko ipinagkatiwala pero ibinigay niya sa ka-live in niyang tomboy," pahayag ni Belinda. "Sila ang nag-alaga nung wala siya, na nasa Qatar. Sana naman ipinaalam niya sa akin na mag-aabroad pala siya at ako na lang ang pinag-iwanan niya sa anak ko," galit na giit ni Belinda.

‘Pakunsuwelo’ o pinatutubos?



Dahil sa natuklasan, minabuti nina Belinda at Teddy na bawiin na si Baby Lei. Ang kaso, ayaw isauli sa kanila ang bata. "Pagkalabas ng bata, kinonfirm namin kung talagang ibibigay niya yung bata sa amin. Sabi niya, ibibigay niya," pahayag ni "Hilda", ang nag-alaga sa bata. Sa bersyon nila ng kasunduan, ibinigay daw ni Belinda sa kanila si Baby Lei at maayos ang naging usapan nila nang isilang ang bata. Ipapaampon daw ni Belinda ang sanggol at hindi na niya ito babawiin pa.

Mariin naman itong itinanggi ni Belinda at sinabing ipinaalaga lang niya ang anak habang siya ay naghahanapbuhay. Gayunman, hindi nabawi ni Belinda ang anak kaya kinuntento muna niya ang sarili sa pagdalaw-dalaw sa bata.

"Dumalaw kami sa birthday niya, first birthday niya, pero hindi kami tinratong tao doon. Hindi kami pinapansin nung birthday niya," sumbong ni Belinda. "Nung yakapin ko yung anak ko, hindi nila ako pinayakap sa kanya. Binawalan akong ipayakap sa akin yung anak ko," dagdag pa niya. Dito na nagpasyang humingi ng tulong si Belinda kaya naman umabot ang kaso sa Sangguniang Baranggay sa lugar nina Hilda.

Lalu pang naging komplikado ang sitwasyon.

"Pinapatubos na sa akin yung anak ko, P150,000," ani Belinda. "Unang tagpo namin sa barangay hall kasama yung kapitan dun saka isang DSWD. Gumagawa na sila ng kasulatan." Hindi raw kayang magbayad ng ganoon kalaking halaga nina Belinda at Teddy kaya nakiusap sila kung maaari pang pababain ang hinihinging halaga. "Binigay namin yung P35,000 dahil yun lang yung perang nautang ko. Hindi sila pumayag kaya umuwi kaming bigo."

Hindi naman daw pinatutubos ni Hilda ang bata. Ipinaliwanag din ng opisyal ng DSWD kung bakit napasok ang pera sa isyu. "Hindi naman po actually nanghihingi, kundi sana man lang for consideration dahil nga sa gastos nung bata," saad ni Rosanna Sanga, Social Welfare Office 3 ng Municipal Social Welfare Office ng Sta. Ana, Pampanga.

Iba rin ang bersyon ni Hilda kaugnay ng isyu sa pera. "Wala akong hinihingi sa kanila. Yung nanay niya yung nagsabi na babayaran nila yung gastos ko," saad niya. "Sinasabi niya na pinatutubos ko yung bata. Bakit ko gagawin iyon, sobrang mahal ko yung bata."

Halos mawalan na ng pag-asa si Belinda na mabawi pa ang anak, subalit hindi raw niya kayang tiisin ito. "Mahal na mahal ko iyong anak ko na yun, sa tagal ng panahon na hindi ko siya nakita," aniya.



Isang araw lang matapos ang sana'y negosasyon nila, nakatanggap ng text message si Belinda mula kay Hilda. Tatanggapin na raw nila ang perang P35,000 kapalit ng pagsasauli nila kay Baby Lei. Hindi naman nag-aksaya ng panahon sina Belinda at Teddy. Ibinigay nila ang pera sa nag-alaga sa kanilang anak sa loob ng tatlong taon, at muli naman silang umuwi sa kanilang tahanan, ngayon kasama na ang batang matagal na nawaglit sa kanilang piling. "Mga two days lang, okay na yung loob niya. Nakapag-adjust na siya," kuwento ni Belinda sa naging paglipat ni Baby Lei sa kanilang tahanan.

Pero hindi pa pala iyon isang "happy ending" para sa mag-ina.

Nawala na naman

Tatlong linggo matapos maibalik sa kanilang piling si Baby Lei, nauwi naman sa isang matinding pagtatalo ang simpleng selosan nina Teddy at Belinda. "May mga lalaking nagte-text sa kanya, nababasa ko," saad ni Teddy. "Siyempre, mahal ko rin siya, ako'y nagseselos."

Pinasinungalingan naman ito ni Belinda. Giit niya, napagbubuhatan daw siya ng kamay ng kinakasamang lalaki. " Binubugbog niya ako. Pinapahiya ako sa maraming tao," sumbong nito.

Halos ikamatay ni Belinda ang mga sumunod na pangyayari. Kalung-kalong daw ni Teddy si Baby Lei nang lumala ang kanilang away at maging pisikal. Dahil dito, lumabas ng bahay si Teddy kasama ang bata at nakituloy sa kapitbahay. "Hindi ako pinapasok doon," pahayag ni Belinda. Hinabol umano niya ang mag-ama pero bigo itong mapabalik sila sa loob ng kanilang bahay. "Binato ko siya kasi ayaw niyang ibigay talaga yung anak ko."



Sa salaysay naman ni Teddy, inilayo muna raw niya si Baby Lei mula sa ina dahil sa init ng ulo nito. Gusto muna raw niyang magpalamig ng ulo si Belinda kaya naman nakituloy sila sa kapitbahay.

Nang magkaroon ng pagkakataon, umalis sa kanilang lugar si Teddy. Nang magbalik ito sa kanilang bahay ay hindi na niya kasama ang bata.

"Para akong namatayan na wala akong pag-asa. Parang gusto ko na mamatay nung time na yun," saad ni Belinda. Ibinalik daw ni Teddy si Baby Lei kina Hilda. Kinumpirma naman ito ni Belinda sa palitan nila ng text message ni Hilda. Napag-alaman din ng ina ng bata na ibinalik umano ni Teddy si Baby Lei kapalit ng perang ibinayad nila rito. Pinasinungalingan naman ito ni Teddy. "Doon, kita ko ho ang buhay na pinagdaraanan ng bata, maayos naman siya roon," salaysay ni Teddy kung bakit ibinalik niya sa nag-alagang pamilya si Baby Lei. Hindi rin daw kasi naging maayos ang trato ni Belinda sa kanyang mag-ama.

Tila manyikang pinagpasa-pasahan ng magkabilang kampo ang walang muwang na paslit.

Kapag puno na ang salop

Dahil dito, tila napuno na rin ang salop ni Belinda. Nakipagkalas na ito kay Teddy at nagsampa rin siya ng demanda laban sa lalaki. Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence against Women and their Children Act si Teddy.



Dumulog din si Belinda sa programang "Imbestigador" para maisangguni ang suliraning kinakaharap. Kaagapay ang Central Luzon bureau ng DSWD, tinungo ng "Imbestigador" at ni Belinda ang bahay nina Hilda. Doon ay nadatnan ng mga operatiba ang batang si Baby Lei na kalung-kalong ni "Janice", ang tiyahin ni Belinda na unang pinagbilinan sa bata.

Nauwi sa sagutan ang disinsana'y payapang negosasyon para sa kustodiya ng bata.

Napag-alaman din ni Belinda na ipinarehistro pala nina Hilda sa ibang pangalan si Baby Lei. Ayon sa DSWD, magiging problema ng bata sa kanyang paglaki ang ginawang ito nina Hilda. Maaari din silang kasuhan ng falsification of public documents dahil dito.

Samantala, base sa batas ay walang karapatan sina Hilda sa kustodiya kay Baby Lei. Bukod kasi sa hindi sila ang magulang ng bata ay hindi rin nila sinunod ang legal na proseso sa pag-aampon.

Hindi rin agad ibinigay ng DSWD kay Belinda si Baby Lei. Sumailalim muna ito sa pagsusuri kung may sapat ba itong kakayahan para palakihin nang maayos ang bata. Nang maseguro ng ahensya na sapat ang kakayahan ni Belinda na maging isang mabuting magulang ay saka pa lang nila iginawad ang kustodiya sa kanya.

Makalipas ang tatlong taon, nakapiling na sa wakas ni Belinda ang anak na nawalay sa kanyang haplos at pagmamahal. Sa ngayon ay nais niyang bawiin ang mga nasayang nilang sandali bilang mag-ina.

Paalala naman ng DSWD sa mga nais mag-ampon, sundin ang mga hakbang na sinasaad ng batas para hindi na magkagulo pa sakaling habulin ng tunay na magulang ang bata.—Irvin Cortez/CM, GMA News

Narito ang iba pang mga web narratives ng mga kuwentong itinampok sa programa:

'Sextortion': Ang kaso ng dalagang ipinakalat ang hubad na larawan sa internet
Bodega: ang kuwento ng pagdukot kay Baby Ekham
Kuwadradong pag-ibig: Ang kuwento ng babaeng nagmahal sa tatlong lalaki
Love triangle: Kuwentong-krimen sa pagitan ng magkabarong pulis 
Inside job: Ang kuwento ng panloloob sa pamilya Sinday
Regalong sinturon: Ang kuwento sa likod ng Kayang Massacre 
Bantay-salakay: Ang pagkakatiklo ng most wanted ng Bobon 
Marahas na kaarawan: Ang kuwento ng lalaking nag-amok sa Caloocan
Kawayan: Ang misteryo sa likod ng pagkamatay ni Jayvee Vitug
Ganti ng dating kasintahan: Ang kaso ng lalaking sinabuyan ng asido
Sa mga kamay ng manggagamot: Ang kuwento ng dukot-mata sa Pangasinan

Ang bisita nina nanay: Ang kuwento ng Palawan double murder case
Ang bracelet ni Pabo: The Guagua double murder case story
'Taong Putik': Ang kuwento sa likod ng Kawit hostage drama
Uuwi na si Daisy: Isang 'Imbestigador' Exclusive
‘Self-Defense Instinct’: The Rafael Parricide story

Tags: webexclusive