Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

Kuwadradong pag-ibig: Ang kuwento ng babaeng nagmahal sa tatlong lalaki


Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador".  Ilan sa mga larawang ginamit ay base lamang sa pagsasadula. Napapanood ang "Imbestigador" tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7, 9:15 PM, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho. I-like ang official Facebook page ng Imbestigador para sa updates.





"Kahit kailan, hindi ako magbabago sa 'yo. Ikaw lang ang mahal ko."

Iyan ang matamis na pangakong binitiwan ni Manuel Contreras sa kanyang kabiyak na si Madel. "Napakabait po. Wala po akong masabi sa kanya kasi mula nang magkasama kami, sobra siyang mapagmahal na asawa," saad ng ginang.

Simple man at hindi gaanong maalwan ang kanilang buhay, sapat na raw para sa kanila ang pag-ibig sa isa't isa para mamuhay nang masaya at tahimik. "Lahat po ng pangangailangan ko, naibibigay niya," dagdag ni Madel. Dalawa ang naging anak ng mag-asawa sa kanilang 15 taong pagsasama.

Gaya ng ibang pamilya, nagkaroon din ng hindi pagkakaintindihan at tampuhan sina Manuel at Madel. Pinipilit naman ng mag-asawa na huwag itong patagalin. "Maayos po kami, masaya po ang pamilya namin," pahayag ni Madel.

Taong 2008, nagdesisyon si Madel na magtrabaho sa Maynila para makatulong sa pamilya. Lumalaki na rin kasi ang kanilang mga anak at baka hindi na sapat sa kanilang pamilya ang kita ni Manuel mula sa pamamasada ng jeep. Labag man sa kanyang kalooban, nakipagsapalaran si Madel sa siyudad para sa pamilya. Gayunman, hindi niya pinaramdam sa pamilya na nasa malayo siya. Tuwing may pagkakataon, umuuwi sa probinsya si Madel para makapiling ang mga mahal niya sa buhay.



Walang usok…

Ngunit hindi inakala ni Madel ang balitang sasalubong sa kanyang pag-uwi. Usap-usapan sa kanilang lugar na mayroon daw ibang kasama si Manuel kapag wala siya sa kanilang probinsya. Nambababae raw ang kanyang asawa.

Hindi naman ito pinansin ni Madel, lalu pa't hindi naman nagbago ang pakikitungo ng asawa nito sa kanya. "Binaliwala ko 'yun dahil alam ko nga pong mabait 'yung asawa ko. Hindi nya magagawa kung sakali," pahayag ng ginang.

Sa pagdaan pa ng panahon, tila lalong tumitindi ang usap-usapan sa kanilang lugar. Pinili pa rin ni Madel na huwag paniwalaan ang mga ito. Kahit minsan ay hindi niya tinanong ang asawa tungkol sa mga naririnig.

Hanggang sa isang araw, isang babae ang pumunta sa kanilang tahanan at hinahanap si Manuel. Riza ang pakilalang pangalan ng babae, at matalik daw siyang kaibigan ni Manuel. Maging ang kanilang mga anak, kilala si Riza at tila ba malapit na ito sa kanila kahit pa hindi pa siya nakikilala ni Madel. Dito na hindi na napigilan pa ni Madel na maghinala. May nakapagsabi na rin kasi sa kanyang si Riza raw ang ibang karelasyon ng kanyang asawa.

Mabigat man ang kalooban sa kanyang mga hinala't naririnig na balita, maayos pa ring pinakitunguhan ni Madel si Riza. "Pinagtatakhan ko, bakit napakagaan ng loob ko sa kanya," saad ni Madel. "Napakagaan pero pagkatalikod, sobrang galit ko na sa kanya dahil alam ko na ang sinasabi ng tao, siya ang asawa ng asawa ko; kabit ng asawa ko."

Kinausap ni Madel ang asawang si Manuel para malaman ang tunay na namamagitan sa kanilang dalawa ni Riza. Itinanggi naman ni Manuel na may relasyon siya sa ibang babae. "Nag-aaway na kami, mataas na 'yung boses ko. Niyayakap langniya ako, 'wag ko raw isipin 'yun," ani Madel.



… kung walang apoy

Pero iba pala ang inamin ni Manuel sa isa niyang kaibigan. Ipinagtapat nito sa kumpareng si Guillermo ang tunay na relasyon niya kay Riza. "Inistorya nga ni Manny na kabit niya si Riza. Sabi ko, iwasan mo gawa ng may pamilya ka," kuwento ni Guillermo. Ipinagtapat din ni Manuel sa kaibigan na gusto na nitong hiwalayan si Riza subalit ayaw umanong pumayag ng babae. "Gusto ko na nga siyang iwasan kaso sinabi niya sa akin na 'pag hiniwalayan ko siya, ipapapatay niya ako," pagtatapat umano ni Manuel sa kaibigan.

Samantala, habang problemado ang lalaki kung paano makikipagkalas sa nakarelasyon, tila may iba pa palang pinagkakaabalahan si Riza. Bukod pala kasi sa asawa nitong si "Christian" at sa karelasyon niyang si Manuel, isang pangalan pa ang lumutang. May ikatlong karelasyon umano si Riza: ang 32 taong gulang na si Junel. Dito na lalong naging komplikado ang kabit-kabit na relasyon ng mga taong sangkot sa tila "love square" nang maituturing.

Dito na minabuti ni Manuel na gumawa ng paraan para matapos na't lahat ang kani-kanilang mga ugnayan. Aaminin na't ilalantad ni Manuel ang katotohanan!

"Noong gabi, hindi na siya makatulog, parang balisa," puna ni Madel sa asawa. "Sabi niya sa akin, mahal na mahal daw niya ako." Lingid sa kanyang kaalaman, buo na pala ang plano ng asawa.

Kinaumagahan, Mayo 29, 2010, nakipagkita si Manuel kay Christian, ang una't legal na asawa ni Riza. Isinama raw ni Manuel ang lalaki sa San Juan, Batangas at pagdating doon ay saka raw niya sasabihin ang pakay ng kanilang pagpunta sa lugar. Nagulat na lamang si Christian nang tumigil sila sa labas ng isang bahay at nakita nito ang asawang si Riza na kasama ang sinasabing nobyo nitong si Junel.



Pag-amin at komprontasyon

"Niloloko ka ng asawa mo! Dati rin akong kabit ng asawa mong si Riza!" pag-amin umano ni Manuel. Dito na naghalo ang balat sa tinalupan. Mabilis na naging tensyonado ang mga pangyayari at nauwi sa karahasan ang paghaharap ng tatlong lalaki sa buhay ni Riza.

Hanggang sa ang ingay mula sa putok ng baril ang nagpatigil sa gulong kanilang naumpisahan.

"Nabigla ako at napatingin sa pinangggalingan ng putok," kuwento ni Christian sa kanyang sinumpaang salaysay. "Nakita ko si Manuel na pinapuputukan ni Junel." Anim na bala ng baril ang agad na kumitil sa buhay ng biktima.

Nang sumambulat na ang mga pangyayari, nawalang parang bula sina Riza at Junel. Hindi naman matanggap ni Madel ang sinapit ng asawa. "Hindi ako nagalit sa asawa ko. Sa babae ako galit dahil kung hindi dahil sa kanya, hindi mamamatay ang asawa ko," ani Madel.

Dahil sa testimonyang sinumpaan ng saksing si Christian, itinuring nang pangunahing suspek sa pagpaslang kay Manuel si Junel. Pinaghahanap siya ng mga alagad ng batas para mapanagot sa kaso.

Apat na taon matapos ang krimen, nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis ukol sa kinaroroonan ng suspek na si Junel. Katulong ang pinagsanib na puwersa ng PNP at "Imbestigador", agad na ikinasa ang operasyong dadakip sa suspek na wanted sa batas.

Matapos ang pagmamanman sa lugar para matiyak na naroon nga ang suspek, kumilos na ang mga alagad ng batas para madakip ang suspek. Napasakamay ng mga pulis si Junel at dali-dali itong dinala sa presinto para maproseso.

Doon, nagkaharap-harap muli sina Junel, Riza at pamilya ng napaslang na si Manuel. Sinamantala na rin ni Junel ang pagkakataon para mailahad ang bersyon niya ng mga pangyayari.



Si Manuel ang nagbanta

Inamin ni Junel na siya nga ang nakapaslang kay Manuel ngunit iginiit nitong self-defense ang kanyang ginawa. "Naghahamon siya ng away, hinahanap niya ako," salaysay ni Junel. "Nagpunta sa amin, naghahamon. Eh baka mapatay niya ako."

Pinasinungalingan din ni Junel ang sinasabi ng kampo ni Manuel na ayaw makipaghiwalay ni Riza sa lalaki. "Nakikipaghiwalay na si Riza, ayaw pumayag ni Manuel. Kaya niya sinumbong sa asawa ni Riza," aniya.

Binaril lamang daw ni Junel si Manuel dahil baka maunahan siya nito. Kung hindi raw ito ginawa ni Junel ay baka siya ang napatay ng biktima.

Suportado naman ni Riza ang mga pahayag ni Junel. Siya raw ang pinagbantaan ni Manuel na papatayin kapag iniwanan niya ito. Naririnig din daw niya ang mga pagbabanta ni Manuel sa bago niyang kasintahang si Junel.

Ang pamilya naman ni Manuel, kumbinsidong may kinalaman din si Riza sa pagkakapaslang sa asawa. "Gusto niya talaga ipapatay asawa ko. Kaya nakipagrelasyon si Riza kay Junel," pahayag ng kapatid ng biktima. "Puwedeng si Junel ang ginamit niya at ginalit niya ang kapatid namin kaya nagsumbong na 'yung kapatid namin sa totoong asawa ni Riza.”

Mariin namang pinabulaanan ni Riza ang paratang sa kanya. "Hindi ho pumasok sa isip ko ang pumatay ng tao. Wala iyon sa bokabularyo ko," saad nito. Nagpahayag din ng pagsisisi si Riza sa pinasok na komplikadong sitwasyon. Kung maibabalik nga lang daw niya ang mga pangyayari ay hindi na ito makikipagrelasyon pa sa iba.

Kasong murder ang unang kasong isinampa laban kay Junel ngunit dahil sa base na rin sa kinalabasan ng imbestigasyon, ibinaba ito ng piskalya sa homicide. Dahil dito, nakapagpiyansa ang suspek at ngayo'y muling nakalaya.

Hindi naman nawawalan ng pag-asa si Madel na mangingibabaw pa rin ang hustisya sa sinapit ng asawa. Patuloy daw niyang ipaglalaban ang kaso ng asawa.

Apat na taon matapos ang kaso, patuloy pa rin ang paggulong ng imbestigasyon dito. Hiling ng pamilya ng biktima, sana'y huwag nang bumilang pang muli ng marami pang taon bago tuluyang masagot ang mga palaisipang bumabalot sa tunay na pangyayari.—Irvin Cortez/CM, GMA News


Narito ang ilang pang mga web narratives ng mga kuwentong itinampok sa programa:
Love triangle: Kuwentong-krimen sa pagitan ng magkabarong pulis
Inside job: Ang kuwento ng panloloob sa pamilya Sinday
Regalong sinturon: Ang kuwento sa likod ng Kayang Massacre
Bantay-salakay: Ang pagkakatiklo ng most wanted ng Bobon
Marahas na kaarawan: Ang kuwento ng lalaking nag-amok sa Caloocan
Kawayan: Ang misteryo sa likod ng pagkamatay ni Jayvee Vitug
Ganti ng dating kasintahan: Ang kaso ng lalaking sinabuyan ng asido
Sa mga kamay ng manggagamot: Ang kuwento ng dukot-mata sa Pangasinan

Ang bisita nina nanay: Ang kuwento ng Palawan double murder case
Ang bracelet ni Pabo: The Guagua double murder case story
'Taong Putik': Ang kuwento sa likod ng Kawit hostage drama
Uuwi na si Daisy: Isang 'Imbestigador' Exclusive
‘Self-Defense Instinct’: The Rafael Parricide story
Tags: webexclusive