Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Regalong sinturon: Ang kuwento sa likod ng Kayang Massacre


Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador". Napapanood ang "Imbestigador" tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7, 9:15 PM, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho. I-like ang official Facebook page ng Imbestigador para sa updates.







Masasabing naging matagumpay sa napiling negosyo ang mag-asawang Vilma at Joey Nociete Sr. Dahil sa kanilang sipag at tiyaga, napalago nila ang maliit na puwesto sa Baguio City Public Market. Nakapagbukas din ng karinderya si Vilma, at ang kita mula sa mga negosyong ito ang kanilang ginagamit na pangtustos sa araw-araw na gastusin.

Gayunman, nanatiling simple at tahimik ang buhay ng pamilya Nociete. Dahil bakasyon, naiiwan sa bahay ang dalawang anak ng mag-asawa: si Jacqueline, 19 taong gulang at si Joey Jr., 9 taong gulang. Ang 32 taong gulang na si Jonalyn Lozano na kanilang kasambahay ang kasama ng mga bata.

Katulong naman ni Vilma sa pagtitinda ang 22 taong gulang na kasambahay na si Samantha. Araw-araw, sinisigurado ni Vilma ang masarap na hain hindi lamang sa mga suki, kundi pati na rin sa mga anak na pinahahatiran niya ng pagkain.

Pero iba ang naging kabog ng dibdib ng ginang noong hapon ng Abril 6, 2014 – isang masamang kutob na babago sa takbo ng kanilang pamumuhay at gigimbal sa buong lungsod ng Baguio. Ang kanyang dalawang anak, walang awang pinaslang kasama ang tatlo pa sa loob ng kanilang tahanan.



Naghahanap kay tatay

Sa palitan ng text message huling nakausap ni Vilma ang panganay na si Jacqueline. Nakatanggap siya ng mensahe mula sa anak na nagsasabing may isang lalaking nasa kanilang bahay noong hapong iyon. Hinahanap daw ng lalaki ang kanilang tatay Joey.

Makalipas ang ilan pang minuto, muli raw nagtext si Jacqueline sa ina. Kilala raw niya ang lalaki. Hindi na ito pinansin pa ni Vilma subalit nag-iba na rin ang kutob niya sa mga pangyayari. Dakong alas-sais ng gabi ay nagpasya siyang magpatulong kay Samantha na umuwi sa kanilang inuupahang bahay sa Kayang Street para tingnan ang mga anak.

Pagdating sa gusaling tinutuluyan, lalong lumakas ang kaba sa dibdib ng ginang. Patay ang mga ilaw sa kanilang bahay at tila walang tao sa loob. Gayunman, bukas ang telebisyon at ito ang nagsisilbing liwanag para maaninag ang loob ng bahay. Sa kabila ng kanyang mga pagkatok at pagtawag sa mga anak, hindi pinagbubuksan si Vilma. Dito na niya inutusan si Samantha na hiramin ang susing itinatago ng kasera para mabuksan nila ang inuupahang unit.

Pagdating ng susi, agad binuksan ni Vilma ang pinto ng bahay kahit hindi sigurado sa kung anuman ang maaaring tumambad sa kanya. Pagbukas ng pinto, tanging tunog na mula sa telebisyon lamang ang kanilang narinig. Wala ang mga anak sa sala.

Sunod na tinungo ni Vilma ang silid ng panganay na si Jacqueline. Sa kama nakumpirma ng ginang ang kabang bumabagabag sa kanyang damdamin. Tadtad ng saksak at naliligo sa sariling dugo ang dalaga.

Sa kabilang silid, lalong nanlumo si Vilma sa nakita. Sa kama nila natagpuan ang duguang mga katawan ng iba pang biktima: ang kasambahay na si Jonalyn; si Joey Jr.; at ang kanyang mga kalarong sina Dave John de Guzman, 7 taong gulang; at Raymond Delmendo, 9 na taon.

Hindi na halos malaman ni Vilma ang sunod na gagawin. Sa kanyang taranta, binitbit niya ang isang bata para itakbo sa ospital. Mula sa inuupahang unit ay ibinaba ito ni Vilma para isakay sa taxi at isugod sa pinakamalapit na pagamutan. Tiyempo namang nasalubong nila ang ama ng biktima ring si Dave John na si Dominador.

"May binabang bata na dala-dala ni Vilma, sabi ko 'Bakit kaya?'" May biglang hangin na sumalpok sa akin na, 'Papa, ako 'to.' Nabigla ako, nilapitan ko 'yung dala-dala ni Vilma na bata," salaysay ni Dominador. "'Anak ko nga! Anak ko yan ah, bakit? Anong ginawa niyo?' kako. 'Hindi, hindi mo ito anak!' pinagpipilitan ni Vilma.”

Nang humupa ang kaguluhan at pagkataranta, si Dave John nga ang batang nabitbit ni Vilma. Naidala rin naman sa ospital ang ibang mga biktima subalit huli na ang lahat. Idineklara ang mga ito na dead on arrival.



Short pants at sinturon

Agad ikinasa ng pulisya ang imbestigasyon sa kaso. Naging maugong din ang mga panawagan para sa agarang ikadarakip ng suspek, lalu pa't mga bata ang mga biktima. "Sa Baguio, ito 'yung kauna-unahang nangyari na ganitong bagay dito. Wala pa sa history ng Baguio na merong ganitong karumal-dumal na krimen so it's so unfortunate na nangyari ito," pahayag ng lokal na pulisya. Nagbigay rin ng P100,000 pabuya ang pamahalaang panglungsod para sa sinumang makapagtuturo sa pagkakakilanlan ng may sala.

Sa crime scene, nakita ang isang mahalagang ebidensyang magbibigay ng lead sa mga imbestigador: isang pares ng duguang short pants at sinturon. Pinaniniwalaang ito ay pagmamay-ari ng suspek. Ipinakita ito sa mag-asawang Nociete para matukoy kung pamilyar sila rito, subalit hindi nila kilala ang taong nagmamay-ari ng duguang short pants

Hanggang si Samantha ang tanungin ng mga pulis tungkol dito. "Nag-iba 'yung mood niya. Nakita niya, nagulat siya so hindi siya nakatiis. Parang natakot siya," sabi ng imbestigador sa kaso.

Kilala ni Samantha ang may-ari ng short pants at sinturon. Ibinigay niya ang mga ito bilang regalo sa live-in partner na si Philip Avino. "Kasi binili ko din po, binili ko po sa kanya 'yun,” sabi ni Samantha. “Totoo po, akin po 'yung belt kaya lang po, hindi po magkasya sa akin kaya binigay ko po kay Philip."

Hiwalay na raw noon ang dalawa. "Seloso po talaga siya," ani Samantha."Kahit alam niya pong mga kaibigan ko lang, pinagseselosan po talaga niya." Dahil dito, nagpasya ang dalaga na hiwalayan na ang kinakasama.

Pero hindi sumuko si Philip. Pilit niya raw muling sinuyo si Samantha. Sa katunayan, dalawang araw bago maganap ang krimen ay pinuntahan pa raw ni Philip ang dalaga sa lugar na pinagtatrabahuan nito. "Lumapit po siya sa akin. Ang ginawa po niya, kinuha niya pong pilit 'yung cellphone ko. Binantayan pa po niya ako maghapon, mula alas-nuwebe hanggang alas-singko po ng hapon," kuwento ng dalaga.

Dito na tumibay ang hinala ng pulisya na si Philip nga ang suspek sa krimen. May saksi rin kasing lumapit sa kanila na nagsasabing nakita niya si Philip sa tapat ng unit ng mga Nociete nang maganap ang krimen. Suot din daw nito ang ebidensyang hawak ng mga pulis.

Dahil dito, agad ikinasa ang malawakang manhunt para sa suspek. Minanmanan ang mga lugar na posibleng pagtaguan nito at muli rin siyang pinakontak sa dating kasintahan.



Ang bersyon ni Avino

Hindi nagtagal, kusang sumuko si Philip Avino kay Vice Mayor Isko Moreno ng Lungsod ng Maynila. Iginiit niyang wala siyang kinalaman sa krimen at na-frame-up lang daw siya. Ang itinuturo nitong utak sa pagpaslang – si Samantha.

Nakita raw niya si Samantha na may kausap na mga lalaki noong araw na mangyari ang krimen. "Sinundan ko sila. Pumasok, tapos 'di nasa labas ako. Sabi ko, bakit ang tagal," salaysay ni Philip. "Pagbukas nung lalaki, nakatutok sa akin ‘yung baril. Hinatak ako sa loob."

Pagnanakaw raw ang motibo ng mga lalaki, subalit hindi nila nahanap ang pakay na pera. Kitang-kita diumano ni Philip ang pagpaslang sa magkapatid na Nociete at mga kasama nila sa bahay. "Tinulak nila ako sa mga patay tapos pinaghubad nila ako," pagpapatuloy ng salaysay ni Philip. Nagmakaawa raw siya para sa kanyang buhay. "Pinaalis nila ako; kasunod ko 'yung isang lalaki. Papatayin niya ako kapag nagsalita ako. Hawak nila si Sam."

Mariin namang pinabulaanan ni Vilma ang mga paratang ni Philip. Aniya, maghapon silang magkasama ni Samantha noong araw na iyon.

Dahil dito, sinampahan na ng kasong multiple murder si Philip Avino. Napag-alaman ding may dati na itong kaso ng panggagahasa sa Maynila kaya isinama na rin ito sa mga habla laban sa kanya. "Life imprisonment iyan dahil wala namang bail na recommended ang inquest fiscal natin," pahayag ng pulis ukol sa parusang maaaring kaharapin ng suspek.

Hinihintay pa ang resulta ng ilang mga eksaminasyon gaya ng DNA test sa nakuhang ebidensya.



Samantala, nailibing na ang mga biktima subalit hindi pa rin natitinag ang sigaw na hustisya para sa kanila. "Bigyan ng katarungan ang mga anak ko. Pati 'yung mga nadamay at kung meron siyang kasamahan, masarap dikdikin. Kulang pa. Kahit anong mangyari, hindi na niya maibabalik," ani Joey Sr.

Labis naman ang hinagpis ni Dominador de Guzman dahil hindi na matutupad pa ang mga pangarap ng anak. "Si Dave John, pinakapaborito kong anak," anito. "Noong ipinanganak siya, iba 'yung naramdaman ko na pagmamahal sa kanya. Iyon pala, kakaunti lang 'yung bahagi niya sa buhay ko."

Matagal pa bago maghilom ang mga sugat na iniwan ng trahedya. Maitatala rin ang Kayang Massacre bilang isa sa mga pinakamalagim na krimen sa kasaysayan ng lungsod. Gayunman, pinipilit nang bumangon ng mga pamilya ng mga biktima. Naging mapagbiro man kasi sa kanila ang tadhana, alam nilang may mga munting anghel na gagabay sa kanila mula sa langit. — Irvin Cortez/CM, GMA News

Narito ang ilang pang mga web narratives ng mga kuwentong itinampok sa programa:
Bantay-salakay: Ang pagkakatiklo ng most wanted ng Bobon
Marahas na kaarawan: Ang kuwento ng lalaking nag-amok sa Caloocan
Kawayan: Ang misteryo sa likod ng pagkamatay ni Jayvee Vitug
Ganti ng dating kasintahan: Ang kaso ng lalaking sinabuyan ng asido
Sa mga kamay ng manggagamot: Ang kuwento ng dukot-mata sa Pangasinan
Ang bisita nina nanay: Ang kuwento ng Palawan double murder case
Ang bracelet ni Pabo: The Guagua double murder case story
'Taong Putik': Ang kuwento sa likod ng Kawit hostage drama
Uuwi na si Daisy: Isang 'Imbestigador' Exclusive
‘Self-Defense Instinct’: The Rafael Parricide story