Sa mga kamay ng manggagamot: Ang kuwento ng dukot-mata sa Pangasinan
Nakapanggagamot daw ang mga kamay ni "May", hindi niya tunay na pangalan. Maraming kapitbahay at dating pasyente ang makapagpapatunay rito. Ang mga nag-akalang hindi na sila magagamot pa, ngayon ay malaya na mula sa banig ng karamdaman matapos mahaplos ng manggagamot.
Biyaya raw ng Mahal na Birheng sumasapi sa kanya ang kanyang kapangyarihan.
Nagsimula ang lahat nang hilingin ni May na iuwi sa kanilang tahanan ang milagrosang Birhen. Kahit hindi siya kasapi, pumayag ang lokal na kapatiran na ipahiram ito. Gamit ang langis ng niyog na ipinapahid niya kasabay ng pagsambit ng dasal, unti-unting kumalat sa kanilang bayan ang kapangyarihan ni May.
Suportado ng kanyang pamilya si May sa kanyang panggagamot. Gayunman, naging kapansin-pansin daw ang mga pagbabago sa ugali niya simula nang iuwi sa kanila ang Birhen.
"Simula nung dumating dito ‘yung imahen, hindi na siya nag-aasikaso sa bahay. Hindi na nakakapagluto, hindi na naglalaba,” ani Brando, asawa ni May. “Lagi na lang siya nandoon sa imahen. Matapang na rin siya.”
Hindi nila inasahan na sa karahasan hahantong ang mga pagbabago sa ugali ni May. At ang kanyang magiging biktima, ang mismong nanay-nanayan niya.
Nagkamali sa dasal
Lumaking malapit sa isa't isa ang magkapatid sa ama na sina Nanay Fe at May. Malaki ang agwat nila sa edad kaya naman naging nanay na ang turing ni May sa ate. Madaling lapitan at maaasahan sa anumang bagay ang matanda, kaya naman nang magsimulang manggamot si May, parang natural na kay Nanay Fe na umasiste sa kapatid.
Hanggang sa isang gabing mangyari ang 'di inaasahan.
May ilang araw na ring nanggagamot noon si May, kaya kahit pa naglalaba, agad tumalima si Nanay Fe sa bahay ng kapatid para tumulong sa orasyon. Gusto kasing magdasal ng sagutan ni May kaya tinawag niya ang matanda para samahan siya sa pagdarasal. Ang mga sumunod na pangyayari, tila eksena sa isang nakakatakot na pelikula.
Nagkamali raw sa tugon sa dasal si Nanay Fe at ikinagalit ito ni May. Dito na niya inatake ang matanda at puwersahang hinila paakyat sa silid ng kanilang bahay. Mula sa pagtawag sa mga santo, mistulang demonyo ang dumapo kay May noong mga sandaling iyon.
Narinig ng mga kapitbahay ang kaguluhan kaya naman agad ding nanakbo pauwi si Jerry, panganay na anak ni May. Doon tumambad sa binata ang mga patak ng dugo sa kanilang silong. Sa 'di kalayuan ay nakita niyang nakahandusay ang duguang si Nanay Fe. Hindi na ito gumagalaw.
"Nakita ko si lola na puro dugo ang mukha. Tumakbo na ‘ko para humingi ng tulong," salaysay ng binata.
Tinawag nito ang amang si Brando, na naging saksi rin sa kakaiba umanong lakas ng asawa. "Nakita ko 'yung asawa ko nakapatong sa ibabaw ng biyenan ko, tapos dinudukot niya ‘yung dila," ani Brando. "Malakas siya, hindi siya mabuhat ng anak ko. Pinagtulungan namin mabuhat ang asawa ko."
Manu-manong dinukot
Agad ding rumesponde ang barangay nang ihingi ng saklolo ang kaguluhan. Naitali sa isang gilid si May na noon ay marahas pa rin samantalang itinakbo na sa ospital si Nanay Fe para magamot.
"Hindi na kasi siya gumagalaw, parang patay na. Binuhat ko siya para dalhin sa ambulansiya, nahulog 'yung isang mata niya; ang ginawa ko, ibinalik ko agad," pag-aalala ni Kagawad Ortega, isa sa mga sumaklolo. Doon nila napag-alamang manu-manong dinukot ni May ang mga mata ni Nanay Fe.
Si May naman, pansamantalang dinala sa tanggapan ng barangay para hindi na makapanakit pa. Tinangka siyang kausapin ni Kagawad Ortega para malaman ang buong pangyayari.
Mas kahindik-hindik pa pala ang mga sumunod na eksena.
"Pinilit kong buksan niya ‘yung kamay niya, nakita ko may hawak siyang mata. Kinuha ko 'yung mata,” sabi ng kagawad. “Habang tinitingnan ko, bigla niyang inagaw ulit sa 'kin tapos kinain niya."
Sakit sa pag-iisip
Nang tanungin si May kung bakit niya nagawa ang insidente, tila wala sa sarili ang sagot ng manggagamot. "Hindi ko maalala. Sabi nila, dinukot ko raw 'yung mata ni Nanay Fe,” ani May. “Hindi ko naman maalala. Alam ko, ginamot ko lang siya kasi may sakit siya."
Dahil sa pangyayari, minabuti ng mga kinauukulan na ipasuri sa isang espesyalista sa pag-iisip si May. Subalit dahil mahaba raw ang pila, hindi ito natuloy. Minabuti naman ng "Imbestigador" na dalhin siya sa isang eksperto sa kalusugang pangkaisipan para matulungan siya sa kanyang kondisyon.
Ayon sa psychiatrist, mayroong schizoprenia si May. Kailangan daw matutukan ang lagay niya para mabigyang lunas ang kanyang karamdamang pangkaisipan. Kung mapababayaan kasi at hindi ito mabibigyan ng sapat na atensiyon at lunas ay maaari pa raw makapanakit ng tao si May.
Nauna na siyang ikinulong dahil sa nangyari, subalit pinakawalan din dahil sa kanyang kalagayan. Sa kasulukuyan, ginawan siya ng sariling kubo ni Brando para doon manirahan habang nagpapagaling.
Si Nanay Fe naman, habambuhay nang hindi makakakita dahil sa nangyari. Pero pahayag ng matanda, hindi pa man hinihingi ni May ang kapatawaran ay naigawad na niya ito sa kanya. Kapansanan man kasi ang kanyang inabot mula sa mga kamay ng kapatid, batid ni Nanay Fe na mismong ang manggagamot ang may karamdamang kailangang malunasan.—Irvin Cortez/CM, GMA News
Narito ang ilang pang mga web narratives ng mga kuwentong itinampok sa programa:
Regalong sinturon: Ang kuwento sa likod ng Kayang Massacre
Bantay-salakay: Ang pagkakatiklo ng most wanted ng Bobon
Marahas na kaarawan: Ang kuwento ng lalaking nag-amok sa Caloocan
Kawayan: Ang misteryo sa likod ng pagkamatay ni Jayvee Vitug
Ganti ng dating kasintahan: Ang kaso ng lalaking sinabuyan ng asido
Ang bisita nina nanay: Ang kuwento ng Palawan double murder case
Ang bracelet ni Pabo: The Guagua double murder case story
'Taong Putik': Ang kuwento sa likod ng Kawit hostage drama
Uuwi na si Daisy: Isang 'Imbestigador' Exclusive
‘Self-Defense Instinct’: The Rafael Parricide story