Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

Uuwi na si Daisy: Isang 'Imbestigador' Exclusive


Matamis ang naging simula ng pagsasama nina Richard at Daisy Dahan bilang mag-asawa.

Lumaking protektado ng kanyang Kuya Ramil ang bunsong si Daisy Casalta. Sa katunayan, ilang beses nang muntik mapahamak ang huli kung hindi lamang ito nasasagip ng kanyang kuya. Para kay Ramil, tungkulin niyang protektahan ang kapatid mula sa anumang maaaring ikapahamak nito.

Kaya naman nang sabihin ng 24 taong gulang na nars na nais niyang pakasalan ang 37 taong gulang na kasintahan, tumutol si Ramil at ang kanilang pamilya. "Kinausap ko si Daisy na kaming dalawa lang, sabi ko sa kanya tutol ako dun sa lalaki," sabi ng tatay nila. Mapapalayo rin kasi sa kanila si Daisy kung sakali dahil sa Las Vegas, Nevada sa Amerika sila maninirahan ng mister niyang si Richard Dahan. Tila may kakaiba ring nararamdaman sa pagkatao ni Richard ang pamilyang iiwanan ni Daisy sa Bohol.

Ipinaglaban pa rin ni Daisy ang pag-ibig niya para kay Richard kaya hindi na sila napigilan pa nina Ramil. Lumipad na patungong Estados Unidos ang magkasintahan at doon na rin nagpakasal.

Pagdating doon, agad naghanap ng trabaho si Daisy dahil kailangan nilang kumita. Liban kasi sa resort na pagmamay-ari ng pamilya ni Richard sa Pilipinas, wala itong trabaho at sinusuportahan din niya ang mga anak sa naunang asawa. Dahil likas namang masipag at mabait si Daisy, madali siyang nakibagay at nakipagkaibigan sa nilipatang bansa. Nakahanap din ito ng maayos na trabaho.

'Di naglaon, unti-unting napapansin ni Daisy ang kakaibang ugali ng asawa. Tuwing tatawag ito sa pamilya sa Pilipinas, nagsusumbong na raw ang bunsong si Daisy. "Sinasabunutan niya ang kapatid ko, nagsusumbong si Daisy sa akin,” kuwento ni Ramil. “Pinagbantaan niya na papatayin niya si Daisy at buong pamilya namin kapag iniwan siya nito.” 

Kung malapit lang si Daisy sa kanyang pamilya, marahil ay sinundo na ito pauwi sa kanila.

Nasaan na si Daisy?

Enero nitong taon, naputol ang komunikasyon ni Daisy sa kanyang pamilya. Tinamaan kasi ang mga linya ng telepono roon sa kanila nang manalasa ang bagyong Agaton.

Hindi inakala nina Ramil na gigimbal sa kanila ang sumunod na balita mula sa Amerika. Ang kanilang bunsong si Daisy, natagpuang patay sa sarili nitong bahay.

Base sa police report, nagtamo ng sampung saksak sa katawan at mukha si Daisy. Sumuko ang asawa niya at ipinagtapat ang krimen, kahit pa noong una ay sinabi niyang pinasok ang kanilang bahay ng masasamang-loob na siyang pumatay sa kanyang asawa.
Larawan mula sa Las Vegas Metropolitan Police records.

Hindi makapaniwala sa kumpisal ng dating chef na si Richard Dahan ang mga awtoridad. Animo'y isang nauulol na hayop niyang kinatay ang asawahiniwa sa labi at pisngi, winakwak ang leeg at tinaga ang ulo. Ang higit na nakababagabag ay walang pagsisisi si Richard Dahan sa nagawang krimen.

Lumabas sa imbestigasyon ang isang motibo sa pamamaslang: nauna na palang lumayas sa kanilang bahay si Daisy dahil hindi na nito matiis pa ang asawa. Nakumbinsi lamang ni Richard na bumalik ang asawa, kahit pa pinag-aawayan na rin nila ang pera. Wala kasing trabaho si Richard at nagagamit daw nito ang kinikita ni Daisy bilang pangtustos sa mga anak nito sa naunang relasyon. Ayaw pakawalan ni Richard ang asawa niyang si Daisy.

Dahil dito, nahaharap sa kasong murder si Richard Dahan. Kasalukuyan siyang nakapiit sa Clark County Detention Center sa Nevada at nakatakda siyang basahan ng sakdal sa Pebrero 27.

Isang buwan matapos mangyari ang krimen, nasundo na rin ng pamilya Casalta ang kanilang bunso. Para sa pamilya ni Daisy, tila hindi raw naging sapat ang pagtugon ng pamahalaan para mas mapadali sana ang pag-uuwi sa labi.

Lugmok man sa kalungkutan, desidido ang pamilya na ilaban ang kaso. "Gusto namin habambuhay na pagkabilanggo para habambuhay niya pagdusahan ang ginawa niyang krimen," giit nila.

Subalit sa ngayon, aayusin muna nila ang paglalagakan sa labi.

Uuwi na kasi si Daisy.

Irvin Cortez/CM, GMA News
Tags: webexclusive