Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Episode 14: Ang pagbabalik ni Pepe sa Pilipinas
ILUSTRADO
Episode 14
Tuberculosis. Ito ang sakit na pinaghihinalaan ni Pepe na mayroon siya. Isang sakit na noon ay hindi gumagaling ang walang pera. Isang sakit na magpahanggang sa ngayon ay mataas pa rin sa Pilipinas, subalit nagagamot na.
Darating si Maximo Viola sa Berlin at hinahanap si Pepe. Gradweyt na siya sa kursong medisina at may pera siyang gagamitin sa pamamasyal sa Europa. Isasama sana niya si Pepe sa pagliliwaliw sa Europa. Daratnan niya si Pepe sa tinutuluyan nito na may sakit. Yayakapin sana ni Maximo si Pepe subalit inilayo ni Pepe ang sarili sa takot na mayroon siyang tuberculosis. Inexamine ni Maximo si Pepe at napag-alamang wala siyang tuberculosis bagkus ay kulang lamang sa sustansya. Inalagaan ni Maximo ang kaniyang kaibigan hanggang sa lumakas. At nang gumaling na si Pepe ay walang inaksayang oras ang dalawa na ipalimbag ang Noli Me Tangere.
Ginamit ni Maximo ang perang sanay pangpasyal niya bilang gantimpala sa kaniyang pagiging ganap na duktor. Tatanawin ni Pepe na utang ang perang ginamit sa paglilimbag. At nang maimprenta na ang Noli, hindi magkamayaw ang dalawa sa labis na tuwa.
Kumalat na sa Europa at Pilipinas ang nobelang Noli Me Tangere. Isinalin pa ni Blumentritt sa salitang Aleman ang copya. Marami ang nakabasa. Marami ang humanga. At marami din ang nabahala. Nang makarating sa Pilipinas ang Noli, may nakitang pag-asa ang mga mamamayan. Ito na. Ito na ang panahong pinaka-aasam-asam ng lahat, ang maipaalam sa mundo ang sitwasyong kinalalagyan ng bayan, ang matagal nang paulit-ulit na pang-aapi at pangdarambong ng mga Kastila at prayle sa mga mamamayan. Subalit para sa mga kinauukulan sa Pilipinas, ang Noli Me Tangere ay isang pruebang kalaban si Pepe at kung gugustuhin nila ay maaaring hatulan ng kamatayan.
Nagdesisyon na rin si Don Kikoy na suportahan na lamang si Pepe sa kaniyang gawain yamang nagsimula na rin lang naman ang laban ng pamilya Mercado sa creoleng si Conchita at Padre Amado noong bata pa si Pepe. Laban na kung laban, wala nang atrasan.
Tuluyan nang nabulag si Donya Lolay. At walang silbi ang kaniyang pagpapakadalubhasa sa mata kung hindi niya maisasalba ang paningin ng kaniyang ina. Uuwi si Pepe sa Pilipinas, isinawalang bahala ang kaakibat na peligrong nakambang na sa kaniya.
Sa pagbalik ni Pepe sa Calamba, labis ang tuwang ninamnam ng buong pamilya. Si Donya Lolay ay kaagad na inoperahan at ginamot ni Pepe, nanumbalik ang kaniyang paningin. Pila ang mga mamamayan sa pagpapagamot kay Pepe. At siyempre, ang susunod niyang balak ay ang makita ang kaniyang pinaka-iibig na si Leonor.
Nabalitaan ni Leonor ang pagdating ni Pepe. Hindi na magkamayaw si Leonor, pupuntahan niya si Pepe sa Calamba. Hahadlangan naman siya ng kaniyang mga magulang dahil sa sobrang namumuro na si Pepe sa mga awtoridad. Ilang saglit na lamang ang hinihintay para siya ay hulihin at maparusahan. Hindi magtatagumpay si Leonor.
Hindi na nagpatumpik-tumpik ang mga prayle sa pagsampa ng kaso kay Pepe. Ipapatawag ni Gobernador Heneral Terrero si Pepe sa kaniyang tanggapan at dininig ang reklamo ng mga prayle.
Ilang salin-lahi na ang nagdaan sa pagpapahirap sa mga mamamayan, at sa wakas ay may isang kongkreto nang hakbang na sumugat sa kalaban, isang konkretong hakbang na nagtanim ng kamalayan sa mga indio na umiimik na, na hubarin na ang damit ng karuwagan.
More Videos
Most Popular