Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Episode 13: Ang panulat ang gamot sa sakit ng bayan
ILUSTRADO
Episode 13
Writer: Honeylyn Joy Alipio
Nabigyan ng break si Pepe sa tagay para kina Juan Luna at Felix Hidalgo. Dito unang makikilala ang pangalang Jose Rizal. Agad na kumalat sa mga pahina ng mga pahayagang Espanyol ang mga binitawang salita ni Pepe. Marami ang nakaalam sa pang-aaping ginagawa ng kanilang kalahi sa Pilipinas, marami ang humanga at may ilan ding nagalit.
Gaganahan ang mga Ilustrado na magtrabaho na nang puspusan sa pagsusulat at paglakad sa hinihinging reporma sa cortes ng Espanya. Ang pahayagan ang pinakamabisang materyal noong panahon sa pakikipaglaban sa karapatan, sa reporma, at maging sa indipendesya ng isang bayan hanggang sa maging isang bansang nagsasarili. Subalit hindi na pahayagan ang nais ni Pepe, nobela na ang kaniyang nasasaisip. Isang nobela na magkukuwento ng kabuuang kaganapan sa kaniyang bayan ng mga pang-aapi sa mga mamamayan, ng kawalan ng edukasyon sa simpleng indio at kung ano-ano pa. Sumang-ayon ang lahat ng Ilustrado, bagay na alam nating sa huli’y si Pepe na lamang ang mag-isang nagtaguyod sa nasabing unang nobela.
Nakarating sa kamay ni Conchita at Padre Amado ang kopya ng pahayagan. Nagngingitngit sa galit si Padre Amado. Hindi nila palalampasin ang ginawang pang pipilubustero ni Pepe.
Nakarating din ang kopya ng pahayagan sa pamilya Mercado. Labis na ikinagalit ni Don Kikoy sa ginawa ni Pepe. Binalaan niya si Paciano na siya mismo ay hindi na niya tatanggapin si Pepe sa kanilang tahanan kung hindi siya titigil sa kaniyang mga gawaing pakikipaglaban sa mga prayle. Subalit para sa isang ina, kay Doña Lolay, ang litrato ng kaniyang anak na nasa front page, ay bagay na kaniyang ikinasiya. Sa labo ng kaniyang mga mata, pipilitin niyang maaninag ang mukha ni Pepe.
Graduate na si Pepe sa kursong medisina. Plano na niyang umuwi subalit dahil marami siyang naging kagalit at mainit pa ang sitwasyon, minabuti ni Paciano na manatili si Pepe sa Europa. Isa pa, mas kakayanin ni Paciano na magpadala ng allowance kaysa sa pamasahe sa barko pauwi.
Lilisanin ni Pepe ang Espanya, magtutungo siya sa Pransya bilang trainee sa isang tanyag na Opthalmologist sa buong mundo, si Dr. Wecker. Dito, pinagbuti ni Pepe ang matuto at masanay sa pag-oopera ng mga mata. Marami siyang naging pasyente. Maraming nakakita ng maliwanag nang muli. Plano ni Pepe na umuwi ng Pilipinas, gagamutin ang mga mata ng kaniyang ina at magtatayo ng klinika na bukas para sa lahat.
Sa gabi, isinusulat na ni Pepe ang Noli Me Tangere. At dahil wala pa ring pera si Paciano para pauwiin siya ay nagtungo naman si Pepe sa Alemanya para pag-aralan ang mga equipment para sa mata. Patuloy pa rin siya sa pagsusulat. Wala na siyang natatanggap na pera. Kung kani-kanino siya nakikitira, ipinagpapaliban ang pagkain, ultimo pang-siga na kahoy ay wala na rin siya.
Nagbenta na rin ng mga gamit si Pepe, at nagsangla ng singsing ng kaniyang Ate Saturnina na bigay sa kaniya. Gulanit na ang kaniyang mga damit. Sa panahon ng tag-lamig, at kawalan ng masustansyang pagkain ay tuluyan nang nagkasakit si Pepe. Tinapos niya ang nobela at pinilit pang magcanvass ng pinakamurang palimbagan subalit hindi pa rin kasya ang kaniyang pera. Wala rin siyang tulong na natanggap mula sa mga Ilustrado.
Dumating sa puntong halos mawalan na ng pag-asa si Pepe at kamuntik na niyang sunugin ang nobela. Desperado na si Pepe. Wala na siyang ibang magawa kundi ang iiyak ang lahat-lahat ng kaniyang nararamdaman habang yakap ang Noli Me Tangere.
Si Pepe ang isang taong may kakayanang yumaman dahil sa kaniyang angking talino ay mas minatamis pang gugulin ang kaniyang oras at galing sa isang nobela para sa kaniyang bayang sinilangan. Isang pag-ibig na iilan lamang ang susubok at pangangatawanan.
More Videos
Most Popular