Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Episode 12: Ang makabayang Ilustrado na si Pepe


ILUSTRADO
Episode 12
First date ni Pepe at Consuelo. Interesado silang pag-usapan ang mga bagay tungkol sa isa’t isa. Katulad ni Leonor, tengang nakikinig si Consuelo  si Consuelo na nandiyan sa kaniyang tabi, humihinga, sumasagot.
 
Lingid sa kaalaman ng dalawa ay pinagmamatyagan na pala sila ni Venchito na noon pa ay napansin na ang kakaibang kinikilos ni Pepe at ni Consuelo sa isa’t isa. Isinama pa ni Venchito si Eduardo de Lete, ang naunang manliligaw ni Consuelo. Parang bulkan nang sasabog si Eduardo sa kaniyang nakikita. Sinulsulan pa nang husto ni Venchito.
 
Nang maihatid na ni Pepe si Consuelo ay tinambangan na siya ni Eduardo sa kalsada. Sa taong labis na umiibig at makitang ninanakaw ang puso ng kaniyang iniibig ay handa itong manghamon ng digmaan. Hinarap niya si Pepe at makikipaglaban kahit pa kamatayan ang maging hantungan. Kung hindi na makapag-isip nang matino si Eduardo dahil sa paninibugho ay siya namang napagtanto ni Pepe na hindi siya ang karapat-dapat kay Consuelo kundi si Eduardo na handang ibuwis ang buhay para sa kaniyang minamahal. Sumurender si Pepe kay Eduardo at nakipag-bati.
 
Hindi si Consuelo ang pag-aalayan niya ng buhay, kundi ang kaniyang Taimis, si Leonor.
Si Leonor na naiwan sa Maynila ay siya namang sinusulsulan ng kaniyang inang si Betang na maghanap na ng iba sapagkat sigurado siyang sa dami ng magaganda sa Espanya ay tiyak nang nahumaling si Pepe sa mga iyon. Iba ang paniniwala ni Leonor, nananalig siyang siya lang ang mahal ni Pepe at nakapagdesisyon na siya na maghintay. Maghintay kahit walang kasiguraduhan kung kailan magbabalik. Bagay na tanging mga taong nasa long distance relationship ang parehong nakakaunawa sa pag-asang balang araw ay magsasama pa rin sila at hinding-hindi na maghihiwalay pang muli. Pag-asa, ito ang pinanghahawakan ni Leonor at Pepe sa kanilang pag-ibig na tanging mga sulat lamang ang nagtatawid sa kanilang nararamdaman at nasasa-isip.
 
Habang masigasig si Pepe sa mga gawaing adbokasiyang reporma, sa pagsusulat ay kabaliktaran naman ang namamayaning katamaran at pag-hahappy happy ng ibang Ilustrado. Ang kanilang sirkulasyon ng pahayagan ay laging nasa bingit ng kamatayan dahil hindi organisado ang pagpopondo at katamarang magsulat ng mga artikulo. Makikitang mapipikon si Pepe subalit hindi pa rin siya pakikinggan nga mga Ilustrado. Lalayasan niya ang mga Ilustrado, magpapalamig sa Pransya kung saan may ilang Ilustradong pintor - si Juan Luna at Felix Hidalgo.
 
Sa Calamba, ang pamilya Mercado naman ay kakamkamin na ang mga lupain dahil sa hindi pagbayad ng nakatakdang buwis. Ang perang ipapadala sana ni Paciano kay Pepe ay siyang ipinangbayad muna kay Padre Amado. Saved by the bell. At dahil kinailangang makalikom ng pera ang pamilya Mercado, ibinenta na nila ang kanilang mag gamit sa bahay, ang kabayo ni Pepe, at ilan pang gamit na may malaking halaga. Nagtrabaho na din si Paciano bilang tutor sa mga anak ng mayayaman.
 
Tila isang lobong nag-aabang naman si Conchita na mapilay nang tuluyan ang pamilya Mercado. Ito ang panahon na hindi siya magpapahinga hangga’t hindi mapunta sa kanya ang mga lupain ng Mercado.
 
Sa muling pagbalik ni Pepe sa Espanya, ay wala na siyang pinag-iba sa isang pulubi. Wala na siyang pambili ng pagkain. Nagkataong nakita siya ni Pedro sa kalsada, isasama siya sa isang piging na dati-rati’y hindi siya sumasama. Pararangalan ang mga indiong pintor na nagwagi sa pandaigdigang patimpalak. First at second place ang nakuha nina Juan Luna at Felix Hidalgo. Natalo ang mga kilalang banyagang pintor. Kagaya marahil ng pakiramdam ng pagpupunyagi sa tuwing nananalo si Pacquiao sa boksing o di kaya’y mga singing contest ng mga Pilipino. Underdog pero nananalo sa huli.
 
Mahalaga ang gabing iyon. Maraming Espanyol na media practitioner ang naroon para i-cover ang nagaganap na selebrasyon ng mga indio sa natamong tagumpay ng kanilang lahi. Si Pedro na nauna nang malasing ay siyang dapat na magbigay ng speech at tagay (brindis) para sa dalawang pintor. Hindi na kaya ni Pedro, bagkus ay si Pepe na ang kanyang ipapanghalili.
 
Tatayo si Pepe, kinakabahan, subalit alam niya ang kanyang sasabihin. Magugulat ang lahat sa kanyang perspective, sa kanyang walang takot na paglalahad… ang katapusan ng patriarka sa Pilipinas, ang pang-aapi ng mga prayle.