Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Episode 1: Pilot




ILUSTRADO
Episode 1
 
Kabuwanan ni Donya Lolay, ang ina ng Pambansang Bayaning Jose Rizal. Sa kalagitnaan ng pasaring ng dominikanong prayleng si Padre Amado tungkol sa pagiging tamad ng mga Indiyo ay maririnig ang pag-uha ng isang sanggol, isang sanggol na noo’y hindi pa man ipinapanganak ay nagdadalamhati na sa bayang kanyang sisilangan, ang sanggol na magiging si Pepe (Jhiz Deocareza).
 
Sa unang episode, ipapatikim sa mga manonood ang labis na paghihirap sa taumbayan sa kamay ng mga mapanupil na prayle, ng mga creole. Makikita ang pagpapasakit at pang-gagarote sa tatlong paring martir - ang GOMBURZA. Tiim sa galit si Paciano, ang kuya ni Pepe, makikita natin kung paano naapektuhan ang pamilya Mercado, gayon na rin ang batang si Pepe. Dito nga ba nagsimula ang kamalayan ng ating bayaning bida tungkol sa paghahangad ng patas na pagtingin sa taumbayan?
 
Masisilip natin ang human dynamics ng pamilya Mercado, ng mga taong pumapaligid sa labas at loob ng kanilang tahanan. Kimi ba ang mag-asawang Mercado? Palaban ba si Paciano? May kakakakitaan na bang kakaiba kay Pepe?
 
Itatawid din ng episode na ito ang tumatakbo sa isip ni Pepe noong siya ay nasa piitan at naghihintay sa kanyang kamatayan. Nagsasanib ang kanyang pagdating sa bayan ng Calamba at sa kanyang pamamaalam sa bayang minahal niya ng sobra.
 
Tunghayan ang sining ng pagkukuwento sa buhay ng ating bida - ang saya at pait ng mabuhay sa panahong walang kalayaan ang bayang ito.