Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Ilustrado, ang kauna-unahang BayaniSerye sa primetime, ngayong Oktubre 20 na
ILUSTRADO
October 20, 2014
Kung buhay si Rizal sa panahon natin ngayon, tiyak, hinding hindi siya makikitang kumakanta sa mga videoke.
Sa isa sa kanyang mga sulat, inamin mismo ni Rizal na talagang hindi siya nabiyayaan ng magandang boses sa pagkanta. Kaya naman hindi nakaligtas si Rizal sa pagbibiro sa kanya ng kanyang mga kapatid.
Sintunado man sa pagkanta, nagtagumpay naman si Rizal sa pagsusulat ng nobela at tula, paglilok, at pagpinta.
Umibig rin si Rizal ng maraming beses at nakaranas ng tinatawag na ‘rebound’ relationship.
Ito ang mga bagay sa buhay ni Rizal na hindi karaniwang mababasa sa mga libro ngayon—na may taglay na kahinaan din ang ating mga bayani.
Isang kakaibang pagkilala kay Rizal at mga Pilipinong repormista dito at sa ibang bansa noong panahon ng Kastila ang handog ng Ilustrado. Matindi ang sakripisyo ng ating mga bayaning repormista sa isang panahon ng opresyon at pang-aapi. Pero sa gitna nito, ipapamalas pa rin ng Ilustrado na ang ating mga bayani ay tulad din ng mga ordinaryong tao na may mga pangarap na gustong abutin at mga pagsubok sa buhay na kailangang harapin.
Ang batikang aktor na si Alden Richards ang bagong mukha ng Ilustrado. Si Kylie Padilla naman ang gaganap bilang Leonor Rivera na itinuturing ng mga historyador na siyang tunay na pag-ibig ni Rizal. Si Solenn Heussaff naman at Max Collins ang papapel bilang Nellie Boustead at Consuelo Ortiga, mga Europeong babae na bumihag sa puso ni Rizal. Ang 2014 Cinemalaya Best Actress na si Eula Valdez naman ang gaganap bilang Donya Teodora Alonso na butihing nanay ni Rizal. Ang five-time Urian Best Actress naman na si Jaclyn Jose at Polo Ravales ang fictional na mag-inang Creoles na sina Conchita at Venchito Monteverde na magpapahirap sa pamilya ni Rizal. Kasama rin sa cast sina Ricardo Cepeda bilang Don Francisco Mercado, Freddie Webb bilang Don Jose Alberto, at Mailes Kanapi bilang Donya Teodora Formoso.
Ang Ilustrado ay nilikha ng mismong team na nasa likod ng award-winning series na Katipunan ng GMA News and Public Affairs. Gumamit ang produksyon ng mga hi-tech Arri Alexa camera at high-end lenses mula sa CMB Film Services Inc. Ang GMA Post Production naman ang lumikha ng makatotohanang 3D visual effects technology para ipakita ang mga siyudad sa Europa na tinirhan at binisita ni Rizal at kung saan niya isinulat ang kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Ilustrado, ang kauna-unahang BayaniSerye sa Philippine primetime ay matutunghayan na sa isang engrandeng world premiere ngayong Lunes, October 20, 9:30 PM pagkatapos ng Hiram na Alaala sa GMA Telebabad.
More Videos
Most Popular