'I Juander,' bakit naging parte na ng kultura ni Juan ang paglalako ng pagkain?
I Juander: Bakit naging parte na ng kultura ni Juan ang paglalako ng pagkain?
June 19, 2019
Bago pa man nauso ang pagpapa-deliver ng mga pagkain, mas nauna nang nauso sa bayan ni Juan ang mga pagkaing inilalako.
Sa Marilao, Bulacan – isang mamihan on wheels o “maming gala” ang talaga namang pinipilahan. Sa sahog nitong litid, taba at buto-buto ng kalabawa – pamatay raw ang sarap ng putok batok mami na inilalako ni Rodrigo. Sa Caloocan naman - hindi lang ulo, paa at bituka o isaw ng manok ang iniluluto at inilalako sa daan. Malakas din daw ang benta ng tinatawag nilang “chicken proben” na gawa sa proventriculus o parte kung saan nagsisimula ang digestion ng manok. Ang kinikita nga raw ni Mon sa pagbebenta ng chicken proben – umaabot ng halos limang libong Piso kada araw.
Sino ba naman ang hindi napapabalikwas tuwing umaga kapag naririnig ang sigaw ng taho! Ilang dekada na nga raw itong ikinabubuhay ng sisenta'y siyete anyos na si mang Lando. At para hindi magsawa ang kanyang mga suki – may pauso na rin siyang strawberry at mango graham flavor. Sa paglalako ng taho, napagtapos na nga ni mang Lando ang dalawa niyang anak.
Yan at iba pang mga pagkaing inilalako ang matitikman nina Susan Enriquez at Cesar Apolinario. Tumutok sa I Juander ngayong Miyerkules, alas otso ng gabi sa GMA News TV. At alamin ang sagot sa tanong ni Juan:
I Juander, bakit naging parte na ng kultura ni Juan ang paglalako ng pagkain?