Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Water crisis sa Pilipinas, sisiyasatin sa 'The Atom Araullo Specials'


 

THE ATOM ARAULLO SPECIALS: DALOY, A WATER CRISIS

SUNDAY, SEPTEMBER 30, 4:30 PM ON GMA 7

Masalimuot ang relasyon ng Pilipinas sa tubig. Sa isang banda, sobra-sobra tayo sa tubig dahil napalilibutan tayo ng mga karagatan. Taon-taon din tayong binabayo ng hindi bababa sa dalawampung bagyo. Pero para sa mahigit siyam na milyong Pilipino, pahirapan ang paghahanap ng malinis na tubig. Babala pa ng ilang eksperto, dahil sa paglaki ng ating populasyon at climate change, maaaring maging mas madalas at mas malala pa ang pinsala ng labis na tubig, samantalang mas marami ang makararanas ng kakulangan sa malinis na tubig sa mga darating na taon.

Sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ompong, pumunta si Atom Araullo sa probinsya ng Cagayan kung saan nag-landfall ang sinasabing pinakamalakas na bagyo ngayong taon. Sa loob lamang ng tatlong araw, ang tubig na ibinuhos ng bagyo sa Tuguegarao (170mm), halos kasing dami na ng average rainfall dito sa buong buwan ng Setyembre (200 mm). Sinabayan pa ito ng napakalakas na hangin na sumira sa Tuguegarao airport at mga kabahayan.

Isa sa mga labis na nakaranas ng hagupit ng bagyo si Rodento Sibaluka, 64 years old, isang magsasaka sa Balazain, Tuguegarao. Nang abutan siya ni Atom sa evacuation center, alalang-alala siya sa lagay ng kanyang taniman ng mais. Kaya nang humupa ang hangin at ulan, agad-agad niyang tinungo ang kanyang sakahan. Ang sumalubong sa kanya, P70,000 na halaga ng napinsalang tanim. Dalawang linggo na lang daw sana ay aanihin na ito.

Para sa karamihan ng 12.8 milyong nakatira sa Metro Manila, isang pihit lang ng gripo, tiyak may tutulo ng tubig. Ganunpaman, may mga pamilya pa ring araw-araw ang kalbaryo sa pag-iigib. Sa Tondo, nakilala ni Atom si Danilo dela Cruz, ang asawa niyang si Rhea at ang anim nilang anak. Araw-araw, P50 sa P280 pesos na kita ni Danilo sa pangangalakal, napupunta sa pagbili ng tubig na ginagamit nila maghapon. Di na nila alintana kung ligtas ba ang tubig o hindi.

Dumayo rin si Atom sa Loreto, Agusan del Sur na isa sa tinatawag na “waterless communities” sa Pilipinas. Ilang libong residente rito, mga Manobo na nakagisnan na ang palutang-lutang na buhay sa Agusan Marsh. Dito sila nakatira, nangingisda at sumasalok ng tubig na pang-inom at pangluto.

Pero sa pagdaan ng panahon, lumalala na ang polusyon sa mismong lawa. Nasaksihan ni Atom kung paano nanganganib ngayon ang kultura at paraan ng pamumuhay ng mga Manobo dahil sa nagbabagong kalagayan ng tubig.

Ayon sa U.S. Agency for International Development (USAID), posibleng magkaroon ng malalang kakulangan ng tubig sa Pilipinas sa loob lamang ng humigit-kumulang 22 taon.

Samahan si Atom Araullo sa pagtalakay sa masalimuot na isyu ng tubig sa ating bansa at ang kahandaan ng ating mga mamamayan para mapanatili ang buhay sa tubig ngayong September 30, 4:30 pm sa GMA 7.