Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Food waste sa Pinas, tampok sa 'The Atom Araullo Specials' ngayong August 26


 


Nasa 7.3 milyong Pilipino ang nagsabing wala silang sapat na pagkain o food poor, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Station. Sa kabila ng dami ng nagugutom, isa sa mga problema ngayon sa Pilipinas ang dami ng itinatapong pagkain o food waste. Katunayan, nasa halos 300,000 metriko tonelada ng bigas ang natatapon sa buong bansa kada taon, sapat na ito para pakainin ang dalawang milyong nagugutom na Pilipino. Ngayong Agosto, samahan si Atom Araullo sa pagtuklas kung paano nangyayari and food waste mula sa produksyon ng pagkain hanggang sa makarating ito sa ating mga hapag.

 


Sa Samar, kung saan matatagpuan ang pinaka mahirap na probinsya sa bansa, nakilala ni Atom ang mga kabataang nakararanas ng matinding gutom, wasted o stunted kung sila’y tawagin. Malungkot na katotohanan dahil kung tutuusin kaya na sana silang pakainin ng pagkaing itinatapon natin.

Naglakbay din si Atom sa Benguet, ang itinuturing na vegetable basket ng bansa. Dito natuklasan niya ang tone-toneladang gulay na itinatapon matapos hindi makapasa sa quality control o ma-reject ng mga nagbebenta. Ang ilang toneladang basurang gulay, diretso naman sa isang composting facility.

Pero naisip niyo na ba kung saan napupunta ang mga tirang pagkain o leftover food sa mga buffet at fastfood restaurant?

Sa Tondo, Maynila, pagpatak ng dilim, simula na ng pangongolekta ng ilang residente ng iba’t-ibang kalakal sa mga restautant kabilang na ang tinatawag na pagpag o basurang pagkain. Pagpasok sa bagsakan ng pagpag, isang tila maliit na sistema ang binuo nila: may tagapili, tagabenta at tagapagluto ng pagpag gaya ni Aling Rosita. Ang mga itinapong manok, nagagawan niya ng bagong putahe.

Bilang bahagi ng kampanya para mabawasan ang food waste at gutom sa bansa, inilunsad ng non-government organization na Rise Against Hunger Philippines ang kauna-unahang food bank sa bansa: ang Good Food Grocer. Nangongolekta sila ng mga pagkain at iba pang produkto mula sa iba’t-ibang kumpanya na hindi na nila ibinebenta. Pagdating sa Good Food Grocer, maaaring makakuha ang mga indigent o pinakamahihirap ng libreng pagkain.  May feeding program din sila para sa mga kabataan.

Sa buong mundo, nasa 1.3 bilyong tonelada ng pagkain ang itinatapon, sapat na ito para pakainin ang tatlong bilyong katao. Ang problemang ito, patuloy na nangyayari.

Samahan si Atom Araullo  sa isang makabuluhan at malalim na pagtalakay sa isyu ng food waste sa Pilipinas. Ngayong August 26 na, 4:30pm sa GMA 7.

Tags: plug, pr