Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kapuso Primetime Couple Marian Rivera at Dingdong Dantes, magsasama sa 'Tadhana'


TADHANA: Anniversary Special
June 23, 2018
Sabado, 3:15pm

 


Makalipas ang isang taong pagbibigay ng mukha sa iba’t ibang kuwento ng pagpupunyagi, pagkabigo, pag-asa, at tagumpay ng mga ‘bagong bayaning’ OFWs o Overseas Filipino Workers, ipinagkakapuring handog ng top-rating at award-winning GMA drama anthology series na ‘TADHANA” ang isang espesyal na pagtatanghal sa pagdiriwang ng unang anibersaryo nito ngayong Hunyo.

Sa kauna-unahang pagkakataon, mapapanood ang host na Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa isang natatanging pagganap bilang si Jackie, na napilitang mamasukan bilang domestic helper sa Bahrain nang magkasakit nang malubha ang kaniyang asawa. Titiisin ni Jackie ang lahat ng mga pasakit at pagpapahirap ng kaniyang malupit na amo para lang maitaguyod ang kaniyang pamilya.

Pero, paano kaya kung malaman niyang ang ipinadadala niyang pera at mga sulat sa kaniyang pamilya sa loob ng dalawang taon ay hindi pala nakararating sa kanila? Ano kaya ang naghihintay kay Jackie pagharap niya sa pamilyang matagal nang nag-akalang inabandona na sila ng kanilang ina?

Ang episode na ito ang katuparan ng matagal nang hinihiniling ng maraming tagahanga ni Marian mula pa noong magsimula siyang mag-host para sa programa. Mas espesyal at kaabang-abang pa ang episode dahil ang direktor ni Marian para sa episode ay ang asawa niyang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes — isang rare TV moment dahil ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na magkakatrabaho ang Kapuso Primetime Royal Couple bilang ‘aktres at direktor.’

Kasama ang mga batikang aktor na sina Jackie Lou Blanco, Lotlot De Leon, Emilio Garcia, Beverly Salviejo, Zymic Jaramilla, Anthony Falcon at Dindo Arroyo, ang ‘TADHANA: Anniversary Special’ ay mapapanood sa Hunyo 23, Sabado, 3:15 PM, sa GMA 7, pagkatapos ng ‘Contessa.’

Tags: plug, pr