Kaso ng pagpatay sa isang dalagita sa Cagayan de Oro, sisiyasatin sa 'Imbestigador

“BABAE SA SAKO”
Sa pagganap nina Isabelle De Leon, Paulo Gumabao, Karlo Duterte at Dave Bornea
Ang 17 anyos na si Jeramae, natagpuang nakasilid sa sako! Walang saplot pang-ibaba at puno ng tadtad sa noo.
Araw ng Bagong Taon, sa Lungsod ng Cagayan de oro, sa halip na magdiwang ang pamilya Lumacang, lungkot at pangamba ang bumalot sa kanila. Ang panganay na anak ng mag-asawa na si Jeramae, naglahong parang bula. Lumipas ang buong araw pero bigo silang makita kahit anino ng labing pitong taong gulang na dalagita.
Hanggang kinabukasan, nakatawag sa pansin ng isang lalaki ang animo’y paa ng tao na nakalawit sa isang sako sa isang bakanteng lote. Nang lapitan niya ito, lalong tumibay ang hinala niyang bangkay ito ng tao. Matapos nito, tuluyang nakilala ang biktima – ang nawawalang si Jeramae! Natuklasang wala siyang damit pang-ibaba at tadtad ng pasa sa noo.
Bakit sinapit ni Jeramae ang karumal-dumal na krimen? Sino ang nasa likod ng kanyang brutal na pagpaslang?