Dalagang ipagpapalit ang lahat para sa pangarap, tampok sa 'Karelasyon'

Matagal nang pangarap ni Vanni (Stephanie Sol) ang maging isang sikat na modelo o kaya artista ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin siya nabibigyan ng "big break" na kanyang hinihintay. May angking ganda at talino ang dalaga pero kulang lang talaga ito sa mga tamang koneksyon sa industriya. Kaya naman nang makilala niya ang photographer na si Edison (Marc Abaya), hindi na siya nagdalawang-isip pa na kaibiganin at akitin ang binata para lang mapakilala siya sa mga kaibigan nitong mga Director at Producer. Sa katunayan, handa nang itaya ni Vanni ang kanyang pagkatao at linlangin hindi lang si Edison kung hindi pati na rin ang kanyang mabait na boyfriend na si Andrei (Jak Roberto) para lang makamit na ang inaasam-asam na pagkakataong sumikat.
Hanggang saan ang kayang ibigay ni Vanni para sa pag-abot ng kanyang ambisyon? Tuluyan na nga bang ipagpapalit ni Vanni ang pag-ibig ni Andrei para sa pansarili niyang pangarap? Paano kung si Edison pala ay iba sa una niyang pagkakakilala at siya pala ang magagamit at mapaglalaruan?
Ito ang kuwentong tampok ngayong Sabado sa Karelasyon na pagbibidahan nina Stephanie Sol, Marc Abaya, Jak Roberto at Tammy Brown. Sa panulat ni James Harvey Estrada at direksyon ni Rember Gelera.
Mapapanood ang Karelasyon kasama si Ms. Carla Abellana tuwing Sabado, 3:15 ng hapon, pagkatapos ng #LIKE.