Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

Lalaking naging ama sa anak ng iba, bibida sa 'Karelasyon'


 


Nang takasan ng noo’y buntis pa lamang na si Issa ang malupit niyang asawa, hindi nag-dalawang isip ang matalik na kaibigan niyang bading na si Elvin na siya ay tulungan. Sa katunayan, buong puso pinatuloy ni Elvin si Issa sa kanyang tahanan at nang isilang nito ang sanggol na si James ay itinuring na rin niya itong parang sariling anak.

Bagamat naging mabuti ang kalagayan ng mag-ina, hindi pa rin natapos ang depresyon si Issa. Hindi nagtagal nagdesisyon siyang mag-abroad at iwan si James kay Elvin. Ikinasama man ng kanyang loob ito, tinanggap pa rin ni Elvin ang hamon ng pagiging magulang.  At kung noon ay kuntento na siya sa pagkakaroon ng partner gaya ni Norman, ay nalaman niyang mas masaya pala ang pagkakaron ng anak na mamahalin at aalagaan. Ito ang naging dahilan kaya naman lumaki nang mabuti si James kahit wala ang mga tunay na magulang.

Subalit kung kailan maligayang-maligaya na ang partners na sina Elvin at Norman sa pagkakaroon ng munting pamilya, ay saka naman darating ang mga pagsubok sa kanila.

Mawawalay rin kaya sa kanilang dalawa si James? 

Ito ang kakaibang dramang pampamilyang tampok sa Karelasyon ngayong Sabado, pagbibidahan nina Alex Medina, Arnold Reyes, David Remo at Ms. Katrina Halili, sa panulat ni Jon Verzosa at direksyon ni Paul Sta. Ana.
Mapapanood ang Karelasyon kasama si Ms Carla Abellana tuwing Sabado pagkatapos ng Eat Bulaga.

Tags: plug, karelasyon