Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kuwento ng Bakunawa at ng pitong buwan, tampok sa 'Alamat' Season 2


ANG BAKUNAWA AT ANG PITONG BUWAN
May 22, 2016
Sunday, 5:15pm
GMA-7


Alam n’yo ba na noong unang panahon ay pito ang ating buwan? Ngayong Linggo, malalaman natin kung bakit isa na lang ito, at kung paano ito binabantayan ng isang tribo laban sa matakaw na halimaw na kung tawagin ay Bakunawa!

 


Sa ikalawang pagtatanghal ng Alamat, lilipad tayo sa sinaunang bayan ng Banwa, kung saan ang gabi ay halos kasing-liwanag ng umaga. Dahil sanay na sanay na sila sa kanilang mga buwan, hindi na napapansin ng mga taong bayan na unti-unti pala itong nababawasan. Ang makulit na batang si Bulan lang ang saksi sa mga pangyayari, pero dahil ilang beses na siyang nagsinungaling, wala nang naniniwala sa kanya nang magbigay siya ng babala tungkol sa hayop na nanlalamon ng mga buwan!


Pero bakit kaya kinakain ng Bakunawa ang mga buwan? Wala ba siyang makain sa kanyang pinanggalingan? Baka may kasagutan ang Tagapagsalaysay na gagampanan ni Tonipet Gaba sa ating piling Alamat ngayong linggo, “Ang Bakunawa at ang Pitong Buwan” na sinulat ni award-winning children’s book author Augie Rivera.

Gaya noong nakaraang Linggo, isang misteryosong karakter ang muling gagabay sa atin sa makulay at kakaibang mundo ng Alamat. Kung sino siya sa kuwento, malalaman lang natin sa dulo ng episode. Para sa role niya bilang Tagapagsalaysay, kinailangang lagyan si Tonipet  ng mga tattoo na parang kaliskis ng ahas. Sa loob ng isang oras, nag-aral rin siyang tumugtog ng higanteng sinawali drum sa pangangalaga ng percussionist na si Paul Zialcita.

 


Maliban sa pagiging narrator, si Tonipet rin ang tinig sa likod ng mala-dragon na Bakunawa. Hindi man ito halata sa pananalita, ang nakabibilib niyang singing voice ang ginamit sa song number ng dambuhalang ahas. Kahit malaki at mukhang halimaw, hindi naman nakakatakot ang Bakunawa; para lang siyang bata na gustong paglaruan ang mga bagay na hindi niya dapat inaangkin. Pero paano siya tuturuan ng leksiyon ng mga taong kaya niyang tirisin na parang kuto?

 


Nagpakitang gilas rin si Zaimic Jaranilla bilang Bulan. Hindi lang pala magaling sa drama ang Batang Yagit, pwede rin pala siyang sumabak sa voice acting. Ang kanyang karakter na sobrang kulit, matatawa ka na lang dahil cute na cute pa rin!

 


Tuloy-tuloy ang saya at hiwaga sa ALAMAT: ANG BAKUNAWA AT ANG PITONG BUWAN ngayong Linggo, 5:15 pm sa GMA.