Marupok na haligi ng tahanan, tampok sa 'Karelasyon'
Malaking dagok kay Ben ang pagkakatanggal sa kanya sa minahal na trabaho, kaya hindi naging madali sa kanya na makabangon mula sa pagkakadapang ito.
Ang insidenteng iyon ang rason kaya nawalan siya ng gana at inspirasyon pagbutihin ang mga sumunod niyang bagong trabaho. Kaya ang resulta, paulit-ulit siyang tumitigil sa paghahanapbuhay.
Ngayon, ang kanyang misis at mga anak ay tila hindi na makatiis at nauubusan na ng pasensya sa kanyang pagiging iresponsable. Problema rin ang pagkakaron niya ng masamang asal na dulot naman ng inggit at insecurity sa misis na matagumpay sa trabaho.
Ang lahat na ito, senyales ng tila depresyon na pinagdadaanan ni Ben na hindi na nagagampanan ang tungkulin bilang isang ama at asawa.
Malalagpasan pa kaya ni Ben ang pagsubok na ito? Hanggang saan siya uunawain at susuportahan ng kanyang pamilya?
Ito ang kuwentong sunod na itatampok sa Karelasyon, sa panulat ni Honee Alipio at direksyon ni Rember Galera.
Mapapanood ang Karelasyon kasama si Ms. Carla Abellana tuwing Sabado pagkatapos ng Eat Bulaga.