Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Isang nanay na nagbebenta ng aliw, tampok sa 'Karelasyon'    


 


Dahil sa kahirapan sa buhay, dating nagtrabaho sa isang bar sa Olongapo si Nanay Doray kasama ang kaniyang kapatid na si Luding. Hindi man niya ikinahihiya ang kaniyang nakaraan, matagal na niyang tinalikuran ang trabahong ito simula nang nakilala niya si Tatay Tomas. Sa ngayon, ang 60 taong gulang na lola ay abala sa pagtitinda ng mga ulam at pag-aalaga ng apong si Beng.

Ngunit muli yatang susubukan ng tadhana si Nanay Doray matapos maaksidente si Tatay Tomas. Ngayon, kinakailangan niyang akuin ang lahat ng gastusin nilang pamilya pati na rin ang pag-aaral ng kanilang apo at gamot para sa kalusugan ng asawa.

Ang tanging tulong lamang na nakukuha niya ay mula sa kanyang kapatid na si Luding na ngayon ay sangkot sa mga iligal na gawain gaya ng pagbubugaw at pagiging “runner” ng droga. Ang alok ni Luding sa kanyang ate Doray, sumama sa kanya sa mga raket na ito para kumitang mabilis ng malaki-laking pera.

Ito nga ba ang tanging solusyon sa problemang pinansyal ni Nanay Doray?  Magtutuloy kaya ito para bumalik sa tinalikurang trabaho ang may edad nang si Nanay Doray? Ano ang mararamdaman ni Tatay Tomas kapag nalaman nitong mula sa iligal na gawain ang iuuwing pera ng kanyang asawa? 

Ang kuwento ni Nanay Doray ay bibigyang buhay ng beteranong aktres na si Nova Villa, kasama si Chanda Romero sa natatangi rin nitong pagganap bilang si Luading at Roi Vinzon bilang si Tomas. 

Sa panulat at direksyon ni Michael Christian Cardoz, at paglalahad pa rin ni Ms. Carla Abellana, abangan ang mainit na storyang ito sa Karelasyon ngayong Sabado pagkatapos ng Eat Bulaga.

Tags: prstory