Si Juan at ang kaniyang mga tradisyon tuwing Kapaskuhan
Marami na ang nasabi tungkol sa pagkakaroon ng pinakamahabang Pasko ng Pilipinas. Setyembre pa lang, nagsisimula na ang marami sa atin sa kaniya-kaniyang Christmas shopping. Pati ang mga establisyimento, nagsisimula nang magsabit ng mga kumukuti-kutitap na Christmas lights at parol. Kaya naman imposibleng hindi mo maramdaman ang Christmas vibes sa pagpasok pa lang ng “Ber” months.
Ang isa na marahil sa mga dahilan kung bakit espesyal ang Pasko sa Pilipinas ay ang mga tradisyon at gawain natin tuwing panahong ito. Nariyan ang Simbang Gabi, noche buena, kris kringle at kung ano-ano pa.
Sa kabila ng lahat ng ito, alam mo ba kung bakit natin sinusunod ang ganitong mga nakagawian?
Pagsimba tuwing madaling araw
Malamig ang panahon. Madilim pa ang kalangitan. Pero may mangilan-ngilan nang mga taong nakabihis-pangsimba na naglalakad-lakad sa plaza. Ang iba sa kanila ay inaantok-antok pa habang ang iba naman ay mukhang hindi na natulog. Ano man ang mood nila sa ganitong oras, ang karamihan ay patungo sa kalapit na simbahan para dumalo sa misa na bahagi ng Simbang Gabi. Makikitang may mga tindahan pa ng mga puto bumbong, bibingka at kung ano-ano pa sa palibot ng simbahan.
Pero bakit nga ba kailangang sa madaling araw pa ito ganapin?
Paliwanag ni Bro. Clifford Sorita, isang propesor ng sociology, “We do it at early morning because we want to express that we are prepared for Christ’s coming no matter what time of the day it is. So we hold these nine days of novena masses at dawn.”
Ang ibang simbahan naman daw ay mayroong mga misa de gallo na ginaganap ng banda 9:00 hanggang 10:00 ng gabi para makapagsimba ang mga taong hindi kayang puntahan ang mga madaling-araw na misa. “But basically, it’s nine days of devotion that tell us that we Catholics are prepared no matter what time. It shows us na mayroon tayong ganoong vigilance.”
Pagkain ng kasama ang buong pamilya
Ang mga Pilipino, kahit butas ang bulsa, ay parating nakahahanap ng paraan para lang may nakabubusog na noche buena at media noche sa hapag-kainan. Para sa marami, hindi puwedeng walang salo-salong maganap sa buong pamilya sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon.
Marami raw ang paliwanag dito, ayon kay Sorita.
“In the Philippines kasi, we always equate meal time with bonding,” sabi niya, kaya raw tuwing may espesyal na okasyon gaya ng Pasko, Bagong Taon, birthday o anniversary ng mga magulang, ang unang naiiisip nating gawin agad ay kumain ng sama-sama.
“In Christmas time kasi, we celebrate not just the birth of Christ but also the togetherness of the Holy Family--Jesus, Mary, and Joseph--they were together,” sabi ni Sorita, kaya naman daw nakasanayan na rin nating ihalaw dito ang tradisyon ng pagsasama-sama sa Pasko, lalo pa’t isang Katolikong bansa ang Pilipinas.
Maging sa pagsalubong ng Bagong Taon, pakiramdam din natin ay dapat salo-salo ang pamilya. “The main reason why we do it [on New Year’s Eve] is because we want to celebrate occasions together para naman when we change another calendar year, para bang feeling natin it guarantees togetherness sa buong calendar year.
Paalala ni Sorita, “[Dapat] we make sure that during meal time, especially during Christmas, we don’t just spend time together but we spend time meaningfully together. In sharing food, in baking of bread, we show each other that we are a family and that we are present to each other--that there’s a presence present.”
Pagbisita sa mga kamag-anak
May dalawang rason daw kung bakit nakasanayan na nating mga Pilipino ang pagbisita sa mga kamag-anak natin sa mismong araw ng Pasko, ayon kay Sorita: pagpapakita ng respeto at paghingi ng basbas.
Natural na kaugalian na raw talaga ng mga Pilipino ang pagiging magalang. Kaya naman tuwing Pasko, kahit na pagod o kahit na ba kapos sa budget, ay nagagawan pa rin natin ng paraan para mabisita man lang ang mga kamag-anak at kaibigan natin. Ang Pasko raw kasi ay isang magandang okasyon para magkumustuhan.
Dagdag pa niya, “Para sa atin kasing mga Pilipino, mahalaga sa atin more than the gift is the blessing na nakukuha sa pagmamano sa mga ninong at ninang, sa mga matatanda sa atin. Ito ay para humingi ng basbas na sana pagpalain ng Diyos sa pagsapit ng Pasko at Bagong Taon.”
Pagsuot ng pare-parehong damit
Naranasan mo na bang salubungin ang bagong taon nang katerno mo ng ang buong pamilya mo?
Kadalasan, kapag napag-usapan ng isang pamilya na magterno-terno sa media noche, pula ang nauunang kulay na naiisip natin. Minsan pa nga, kapag medyo maluwag-luwag naman sa budget, ay sinasadya pa talaga na bumili ng mga bagong damit na susuotin sa pagsalubong sa bagong taon.
“Red is a Yang color. Red is a color of wealth, success, happiness, and prosperity,” ayon kay celebrity feng shui expert na si Hanz Cua. Pinaniniwalaan din na kapag nakapula ang buong pamilya, natataboy daw ang masasamang espirito at kamalasan na puwedeng manggulo sa pamilya sa bagong taon.
Pagsasaboy ng barya
Sinong batang Pinoy ba naman ang hindi naranasang makipag-agawan sa mga barya na isinaboy nina lolo at lola? Marahil ay isa na ‘to sa mga nakaugaliang gawin lalo na sa pagsalubong ng bagong taon.
Maraming suwerte raw ang puwedeng dalhin ng gawaing ito, ayon kay Cua. “Elders throwing coins symbolize sharing of wealth, luck, and success [to the next generation],” kaya raw karaniwan ay mga lolo at lola ang nagsasaboy ng barya, at ang mga apo naman ang sumasalo. “This means that the luck of the elders are shared with and continued to the next generations.”
Dapat daw ay nasa masaya at positibong kondisyon ang matatanda na nagsasaboy ng barya. Importante rin daw na papasok ng bahay ang direksyon ng barya, at hindi palabas, para maimbitahan ang suwerte na pumasok sa pamilya.
Mainam ding bagong barya ang isaboy; kapag bago raw kasi ang barya na isinaboy papasok ng bahay, darating daw ang bagong energy na kailangan ng pamilya sa bagong taon, ayon kay Cua. At dapat, ‘wag munang gastusin ng mga bata ang nakolektang barya. Puwede lamang nilang gastusin ito matapos ang walong araw.
Karamihan sa mga nakagawian natin lalo na tuwing Pasko at Bagong Taon ay puwedeng tawaging mga pamahiin lang.
“Sometimes kasi ang mga tao, kapag hindi mo binigyan ng mga ganitong piece of [pamahiin], minsan walang dating sa atin. So kailangan, ‘yung tradition, may kaunting superstitious element para may kaunting [excitement],” ayon kay Sorita.
Pero may ilan itong negatibong naidudulot sa atin, dagdag ng propesor. “Minsan, ang tao, naiipit na lang sa superstition at nawawala na talaga ‘yung totoong celebration. Sometimes the people focus more on the superstitious beliefs more than the celebration. So nagiging superstitious na rin ‘yung celebration.”
Kaya naman paalala ni Sorita ngayong nalalapit na Pasko at Bagong Taon, gawin man o hindi ang mga nakasanayang tradisyon, tandaan na ang mga okasyong ito ay mainam para makipagkumustahan, magsaya at magpasalamat sa nagdaan at paparating na taon kasama ang mga mahal sa buhay.
Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon po, mga Kapuso!---BMS/GMA Public Affairs