Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Juan Tamad: Representasyon ng bawat Pilipino


Isang lalaki ang nakahiga sa ilalim ng puno ng bayabas. Ang kuwento ng ilang matatanda, nakanganga pa raw siya habang nakapatong ang likod ng kaniyang ulo sa kaniyang mga palad. Komportableng nakahiga habang oras ng siesta.
 
Ang dagdag pa nila, kaya raw siya nakahiga sa ilalim ng puno ay dahil hinihintay niyang mahulog ang isang bayabas, kasi nga raw ay nuknukan siya ng tamad.

Pero totoo nga bang ito ang dahilan kung bakit hindi na lang agad-agad pinitas ni Juan Tamad ang bayabas?
 
Juan Masipag
 
Isang paglilinaw mula sa batikang direktor na si Soxie Topacio: Hindi tamad si Juan Tamad.
 
Ayon kay Direk Soxie, na siya ring direktor ng bagong comedy series ng GMA-7, ang “Juan Tamad,” representasyon daw si Juan Tamad ng mga Pilipino lalo na ng ating mga ninuno. Gaya raw kasi ni Juan Tamad, ang mga Pilipino raw noon ay parating pinaniniwalaang tamad ng mga Espanyol.
 
“Kasi tiningnan nila ‘yung farmers na ‘pag nagtanim sila ng bigas, wala na silang gagawin, maghihintay [na lang] sila,” kuwento ni Soxie. “Pero ganu’n kasi ‘yung bigas, ‘di ba?  It takes time to harvest. So kinonceptualize agad ng Spaniards, ‘Ay, tamad ang mga Pinoy,” paliwanag ng direktor.
 
 
Ayon naman sa komedyanteng si Sef Cadayona, ang gaganap sa karakter ni Juan D. Magbangon sa bagong palabas, hindi raw katamaran ang dahilan kung bakit palagi lang nakahiga sa ilalim ng puno ng bayabas si Juan Tamad. Naghihintay lang daw siya ng “tamang panahon.”
 
“‘Ika nga, ‘pag hinintay mo ang tamang dating ng tagumpay sa’yo, mas masarap at mas masaya na makuha ‘yung tagumpay na ‘yun,” sabi ni Sef.
 
Kaya naman parehong pinabubulaanan nina Soxie at Sef na tamad daw si Juan Tamad. Maaaring gaya ng sikat na tambalang #AlDub ngayon, ay naniniwala lang talaga si Juan Tamad sa konsepto ng tamang panahon.
 
Juan Mapagmahal
 
Bukod sa pagiging mapagpursigi, may isa pa raw mabuting katangian si Juan Tamad: ang pagiging mapagmahal, lalo pa’t kung ang pag-uusapan ay ang kaniyang kapitbahay na si Marie Guiginto o kilala rin sa mga sinaunang bersyon ng kuwentong-bayan bilang Mariang Masipag.
 
Sino ba naman kasi ang hindi mahuhumaling kay Marie? Eh bukod sa pagiging maganda, siya ba naman ang class valedictorian sa kanilang batch at isa pang magaling na dancer at debater! Kaya talaga naman daw gagawin ni Juan Tamad ang lahat para lang mapansin siya ni Marie.
 
“Dahil sa pag-ibig na ‘yan, na-encourage siyang magbago at maghanap ng trabaho,” ayon kay Direk Soxie. Kung sabagay, kung talaga raw tamad si Juan Tamad ay wala na lang siyang gagawin para mapansin ni Marie.
 
 
Ayon naman kay Sef, nang dahil daw sa kagustuhan ni Juan Tamad na mapansin siya ng kaniyang kapitbahay ay hindi na niya namalayan na mas lalo pa siyang nagiging masipag.
 
“Unti-unti siyang nai-inspire, unti-unti siyang gumagawa ng sarili niyang paraan para mapansin, hanggang sa hindi na lang si Marie ang nakakapansin sa kaniya kundi pati lahat ng taong natulungan niya,” dagdag ni Sef.
 
Juan Matalino
 
Pero bakit nga ba kasi nakahiga lang si Juan Tamad sa ilalim ng puno ng bayabas? Bakit nga ba kasi ayaw niyang pitasin nalang ito?
 
Matalino raw kasi siya, sabi ni Direk Soxie.
 
“Ang bayabas na hilaw, kapag pinilit mong kunin, ito ay mapakla,” paliwanag niya. “Kaya hinihintay niya ang tamang panahon na bumagsak ito dahil kapag bumagsak ito, [ibig sabihin ay] ito ay hinog na.”
 
Gaya nga ng nasabi kanina, si Juan Tamad daw ay representasyon ng bawat Pilipino. Hindi nalalayo si Juan Tamad mula sa mga Pilipino sa abroad na nakararanas ng diskriminasyon. Parating sinasabihang tamad, pero ang totoo ay taglay naman niya ang mabubuting asal. Siya ay masipag, mapagmahal, at matalino.
 
Gagawin niya ang lahat para lang mapansin ng taong kursunada niya, makapaghanap ng magandang ikabubuhay, at makatulong sa kaniyang komunidad.
 
At bukod pa rito ay hindi rin siya basta-basta gumagawa ng hindi pinag-isipang desisyon. Naghihintay siya ng tamang panahon.
 
Ito raw ang totoong Juan D. Magbangon. Ganito raw ang totoong Pilipino.

Mapanonood na ang premiere ng "Juan Tamad" ngayong Agosto 23, Linggo, 4:45 PM, sa GMA-7.---BMS, GMA Public Affairs