Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Kylie Padilla, bida sa 'Alamat' ni Mariang Sinukuan ngayong Linggo
ALAMAT: Mariang Sinukuan
Starring Kylie Padilla, Pekto Nacua, John Feir
Agosto 2, 2015
Linggo, 5pm
GMA 7
Alam n'yo ba na noong unang panahon ay walang dalang bahay sa likod ang pagong?
Na ang alitaptap hindi kumikislap, at ang lamok ay hindi sumisipsip ng dugo?
Sa ikaapat na pagtatanghal ng Alamat, matutuklasan ng mga bata kung bakit kumokokak ang palaka, kung bakit sa puno nagtatayo ng pugad ang mga ibon, at marami pang nakapagtatakang ugali ng mga hayop. Tampok ngayong Linggo ang makulay na Alamat ni Mariang Sinukuan, ang tagapangalaga ng Bundok Arayat sa Pampanga.
Gumanap bilang Mariang Sinukuan si Kylie Padilla, na hindi nagdalawang-isip na tanggapin ang proyekto. Aniya, "I feel so happy kasi mahilig talaga ako sa cartoons. So nung sinabi sa akin ng [road manager] ko na, 'Ay kinukuha ka Kylie.' [Sabi ko], 'Oh my God!" Yes agad!"
Pero napaisip rin nang matagal si Kylie sa kanyang unang pagsabak sa cartoons, at naging challenge sa kanyang gawing mala-diyosa ang kanyang boses. "Ang character ko po dito is diwata and ang naisip ko lang naman, I have to make it a little bit airy, darker nang kaunti, tapos dapat may authority magsalita." May talent rin sa pag-iiba ng boses ang aktres kaya sinubukan niyang mag-voice ang isa pang hayop, at tiyak mahihirapan ang mga manonood na hulaan kung sino siya doon.
Magsisimula ang kuwento sa isang misteryo sa gubat, at ang aatasang mag-imbestiga ay ang mga alagad ng hustisya ni Mariang Sinukuan: sina Hunyango at Kuneho, na binigyang-buhay naman ng mga komedyanteng sina John Feir at Mike "Pekto" Nacua. May dual role rin ang mag-partner bilang mga mangangaso na susubukin ang pasensya ni Mariang Sinukuan.
Umani ng papuri mula sa mga manonood ang mga nagdaang episode ng Alamat. Para sa kanila, panahon nang magkaroon ng de-kalidad na programang pambata na hindi lamang nakakaaliw kungdi nagtuturo rin ng magagandang leksyon. Nitong nakaraang Linggo lamang ay nakatanggap ang programa ng 7.2 points nationwide kumpara sa 5.6 ng kompetisyon, ayon sa Preliminary/Overnight Ratings ng National Urban TV Audience Measurement o NUTAM. Patunay lamang na may puwang sa puso ng maraming Pinoy ang makabuluhang programa na pambata.
Saad ni Danzen Santos-Katanyag, writer ng “Mariang Sinukuan,” hindi lamang ito simpleng pagsasadula ng sinaunang kuwentong bayan. "Iyong Mariang Sinukuan, tungkol siya sa environment. Binubuksan nito ang usapin kung bakit dapat alagaan iyong environment and at the same time isabay siya sa modernization ng bansa natin."
Dagdag naman ni Kylie, "Sobrang honored po ako na ginamit iyong boses ko para ikwento iyong folk tales ng Pilipinas kasi I really do believe na dapat mas ibalik natin ang culture natin tsaka you know hindi lang naman bata ang manonood eh, syempre iyong mga teenagers din and grown ups, so masaya ako na na-invite ako para gamitin iyong boses ko. It's such an honor."
Muling pupunuin ng kulay ang ating mga telebisyon ng ALAMAT ngayong Linggo, alas-5 ng hapon sa GMA.
Tags: plug
More Videos
Most Popular