Guro, tumatawid sa lahar sakay ng kalabaw makapagturo lamang!
"Titser de Kalabaw"
Sa isang barangay sa Botolan, Zambales nakilala namin ang 57 taong gulang na si Titser Juliet Deloso kasama ng iba pang guro na mas bata sa kanya, sabay sabay nilang binabaybay ang malawak na lahar sakay ng kariton na hinihila ng kalabaw.
Sa kanyang dalawampu't apat na taong karanasan bilang guro nasubukan na raw niya ang iba't ibang klase ng transportasyon makarating lang sa eskwelahan, mula sa paglalakad ng lima hanggang anim na oras, pagtawid sa ilog sakay ng salbabida at ang pagsakay ng kalabaw makapagturo lang sa mga bata.
Kahit walang sariling silid aralan, libro at iba pang kagamitan sa pagtuturo nakakaraaos naman daw sila. Sa kanyang nalalabing taon bago magretiro bilang guro at Teacher-in-Charge, gusto raw niya na madagdagan pa ang kaalaman ng mga bata sa Owaog Elementary School upang makarating sa mas mataas na antas ng pag-aaral at makapagtapos. Tunghayan ang kwento ng mga Titser de Kalabaw ngayong Lunes Enero 27, 2020 pagkatapos ng Saksi.