'Scooter Boy,' kilalanin sa 'Front Row'
“SCOOTER BOY”
Inihahandog ng ‘Front Row’
November 11, Lunes ng gabi, pagkatapos ng Saksi sa GMA
Sa edad na 22, si Angelo Arradaza na ang pinakamatanda sa ikatlong baitang ng kaniyang paaralan. Ilang beses kasi siyang tumigil sa pag-aaral. Ang dahilan - hirap siyang makapasok sa paaralan kahit halos 3 km lang ang layo nito sa kanilang tirahan.
Ipinanganak na hindi magalaw ang mga binti ni Angelo. Hindi niya rin magalaw ang mga braso at kamay hanggang halos edad dose. Noong una ay nahahatid pa siya sa paaralan sakay ng kalabaw. Subalit matapos ang isang taon ay pumayat daw ang kalabaw at nangayayat ang kaniyang ina sa kakabuhat sa kanya paakyat dito. Hindi rin nila magamit ang wheelchair na ibinigay sa kanya dahil masyado itong mataas at mahirap gamitin sa mabatong daan.
Sa kagustuhang mag-aral, nag-isip ng solusyon si Angelo. Gamit ang mga tira-tirang kahoy at mga gulong ng wheelchair, gumawa siya ng sariling ‘scooter’ na halos kasing-taas lang ng skateboard. Hinihila ito ng kanyang pamangkin o kaklase o di kaya ay tinutulak niya ang sarili papasok sa paaralan.
Mahaba pa ang kanyang lalakbayin upang makapagtapos ng mababang paaralan, pero buo ang loob ni Angelo.