Binatilyong nagbubuhat ng kopra at uling sa bundok, kilalanin sa 'Front Row'
Inihahandog ng Front Row
“ANAK NG BUNDOK”
Marso 4, Lunes ng gabi pagkatapos ng Saksi
Sa kabundukan ng Western Samar, walang takot na umaakyat ang labing apat na taong gulang na si Retche Perante. Ibinababa niya mula sa bundok ang mga kopra at uling. Halos doble sa kanyang bigat ang binubuhat niyang sako sa kanyang ulo at likuran. Sa pagsunod namin sa kanya, makailang ulit din siyang natumba habang pasan ang sako dahil sa tarik at putik na kanyang dinaraanan. Pagbaba ng bundok, kailangan naman niyang isakay sa balsa ang sako ng uling at kopra.
Kumikita siya ng isang daan hanggang dalawang daang piso sa pagbubuhat kada araw. Ang kita, ibinibigay niya sa kanyang ina para may pambili sila ng pagkain. Ang natitira iniipon niya para may pambaon siya sa eskuwela.
Nasa grade 4 ngayon si Retche. Hirap siyang makabasa at makasulat dahil mahina ang kanyang mga mata. Madalas nagiging tampulan din siya ng tukso dahil sa kondisyong ito. Pero di niya ito alintana. Mahirap man pagsabayin ang pagtatrabaho at pagpasok sa eskwela, determinado si Retche na makatapos ng pag-aaral at maabot ang kanyang pangarap.