Ina na may tatlong anak na may kapansanan, kilalanin sa 'Front Row'
GOLD WORLD MEDAL
2017 NEW YORK FESTIVALS
Inihahandog ng Front Row
“Sa Kabilang Dako”
August 21, Lunes pagkatapos ng Saksi sa GMA
Sa Barangay Penafrancia sa bayan ng Buhi, Camarines Sur, tanging isang metal na tali ang nagkokonekta sa dalawang dulo ng ilog. Para makatawid, kailangang sumakay sa balsang gawa sa kawayan at hilahin at tali.
Sa kabilang dako ng ilog nakatira si Rose Marie Yaguel at ang kanyang mga anak. Isang single mom si Rose Marie sa pitong anak. Upang makaraos, isa sa mga trabaho niya ay ang pumasada sa habal-habal. Siya lang ang natatanging babaeng gumagawa nito sa kanila.
May kapansanan ang tatlo sa kanyang mga anak kaya kailangan 'kayod marino' ang gawin ni Rose Marie para tustusan ang kanilang mga pangangailangan. Si Jeleen, 24, hindi nakakapagsalita. May sakit naman sa puso si Lorenzo, 12 taong gulang. Mukha siyang mas bata sa kanyang edad, payat, at mahina ang pangangatawan. Si Rey, 18, ay pinanganak na walang mga binti. Hirap man ang kalagayan, pilit na pinapagaan ng kanilang ina ang kanilang buhay.
Sundan ang kuwento kung paano napapanatiling buo ng isang ina ang kanyang pamilya sa kabila ng lahat ng kanilang pinagdaraanan.