Mga estudyanteng nagmimina ng ginto, tampok sa 'Front Row'
GOLD WORLD MEDAL
2017 NEW YORK FESTIVALS
Inihahandog ng Front Row
“GINTONG PANGARAP”
August 7, Lunes ng gabi, pagkatapos ng Saksi sa GMA
Tuwing sasapit ang mga araw ng Sabado at Linggo, sa tinatawag na “kabudan” o minahan makikita ang labing limang taong gulang na si Ian kasama ang pinsang si Andrew, labing tatlong taong gulang. Pakay nilang makahanap ng ginto. Sinisimot ang mga lugar na dati nang pinagminahan ng mga minero. Gamit ang compressor, sinisisid ni Ian ang mga balon at ilog sa pag-asang makahanap ng ginto.
Ang kita sa maghapong pagmimina, ginagamit naman niya para may maipambaon at may pamasahe sa buong linggong pagpasok sa eskwela. Pangarap niyang makatapos ng pag-aaral.
Sanggol pa lang nang ipaampon si Ian ng kanyang mga magulang. Ang malungkot, pumanaw ang umampon sa kanya kaya kinailangan niyang humanap ng ibang kakalinga sa kanya. Sa tulong ng isang malayong kaanak, nakapag-enrol sa grade 9 si Ian.
Sundan ang kwento ng katatagan at pagpupursigi ni Ian para makamit ang pinapangarap niyang “Gintong Pangarap”, sa Front Row ngayong Lunes ng gabi, August 7 pagkatapos ng Saksi sa GMA.