Mga batang kapos sa pagkain at pananamit, tampok sa 'Front Row'
Inihahandog ng "Front Row"
Kapos: 2-PART SPECIAL SERIES
April 18, 2016, pagkatapos ng Saksi sa GMA
Lahat ba ay may panglaman sa kumakalam na tiyan? May saplot na pambalot ng katawan? May maayos at disente bang masisilungan? Lahat ba ay nasa ligtas na kapaligiran?
Sa isang natatanging pagtatanghal, ihahatid ng Front Row ang apat na pangunahing pangangailangan ng bata na dapat tinutugunan: pagkain, damit, tirahan at seguridad.
Sa unang bahagi ng dokumentaryong "Kapos," tampok ang kuwento ng ilang batang kumakalam ang tiyan at walang akmang saplot sa katawan .
Sa Montalban, Rizal, dahil sa kahirapan, janitor fish ang tinitiyagang ulam nina John Lloyd, labing tatlong taong gulang. Panganay siya sa apat na magkakapatid. Ume-ekstra sa labada ang kanyang ina kaya kailangang kumayod ni John Lloyd para maitawid ang kanilang kakainin sa araw-araw.
Kasama ang barkada, nanghuhuli sila ng janitor fish , isang uri ng maruming isda dahil sinisipsip nito ang anumang dumi na nasa tubig. Pero hindi ito alintana ni John Lloyd ang posibleng kapahamakan malamnan lang ang mahapding sikmura. Kapag walang huli, asin ang ulam ng buo niyang pamilya.
Kalunos-lunos din ang kalagayan ng mga batang walang pambili ng damit at sapin sa paa. Si Jonathan, labing apat na taong gulang, pangalawa sa pitong magkakapatid. May epilepsy si Jonathan pero sa kabila nito... umaakyat siya ng bundok kasama ang ilang kapatid para tumulong mag-uling sa kanyang lolo. Matarik at mabato ang daan paakyat at mas pinahihirap pa ito ng kawalan nila ng tsinelas. Mas uunahin daw kasi nila ang pambili ng bigas imbes na bumili nito. Bilang remedyo, namumulot sa tambakan ang kanyang ama at masuwerte raw kapag may naligaw na lumang tsinelas dito. Isinusuot nila ito kahit pa magkaiba ang pares.
Maging ang ilan sa kanilang damit, pinupulot lang daw ng kanilang ina sa tambakan ng basura para makatipid.
Hanggang kailan sila mapagkakaitan ng mga pangangailangan na kung tutuusin ay pangunahin nilang karapatan?
Huwag palampasin ang dokumentaryong "Kapos" sa "Front Row"- ang itinanghal na 2015 Gold World Medal Awardee bilang Best Public Affairs Program ng prestihiyosong New York Festivals at nagkamit din ng Gold Camera at One World Award sa US International Film and Video Festival. Lunes, April 18, pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.