Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Front Row

Ilang magsasaka sa Isabela, nabubuhay sa pagkain ng tipaklong


Inihahandog ng Front Row : “Silam”
October 12, 2015 pagkatapos ng Saksi


 
Hindi na lingid sa kaalaman ng karamihan ang mga exotic food o mga di pangkaraniwang pagkain tulad ng pritong palaka, pritong dagang bukid, at adobong ahas. Maging ang mga maliliit na insekto tulad ng camaru ay niluluto rin para maging ulam.
 
Pero sa  Barangay Carmencita sa Delfin Albano, Isabela isang uri ng tipaklong na tinatawag nilang ”silam-silam” ang kinakain ng buhay ng ilang magsasaka. Isa na rito ang limampu’t anim na taong gulang na si Lukini Pusidio. Nakagisnan na niya kasama ang iba pang magsasaka na manghuli ng silam sa bukid gamit lamang ang kanilang mga kamay. Matapos hulihin tinatanggal nila ang ilang bahagi ng silam tulad ng pakpak at pangil saka isusubo at kakainin ng buhay. May iba rin silang kasamahan na hindi na tinatanggal ang ibang bahagi ng silam, pagkakuha sa insekto mabilis niya itong sinusubo at nginunguya. Para sa kanila masarap at kakaiba raw ang lasa ng hilaw na silam. Peste man ito sa kanilang palayan kahit papaano’y nagiging pantawid-gutom daw nila ito habang sila’y nasa bukid.


 
Nagtatabi rin sila ng mga nahuhuling silam para pagdating sa bahay lulutuin naman ito para makain ng kanilang asawa, anak at maging ng kanilang apo. Kalimitan prito ang paraan ng pagluluto pero isinasahog din nila ito sa pakbet. Hindi naman daw sila umaasa sa silam bilang kanilang pangunahing ulam. May mga gulay at isda rin silang kinakain.
 
Sa mga nakalipas na taon, wala pa naman daw namatay sa kanilang barangay dahil sa pagkain ng buhay na silam. Pero ang asawa ni Luksini na si Aida, nilutong silam na lang ang kinakain matapos siyang magkaroon ng allergy sa katawan noong kumakain pa siya ng buhay na silam.


 
Ano ang paliwanag ng eksperto kung ang isang tao ay kumakain ng hilaw na silam? May mabuti at masamang maidudulot ba ang pagkain ng lutong silam?
 
Alamin ang iba pang detalye sa “Silam,” ngayong Lunes, October 12 sa Front Row pagkatapos ng Saksi sa GMA-7.
Tags: plug