ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
'Maestra Salbabida,' tampok sa 'Front Row' ngayong Lunes

Salbabida ang nakasanayang sakyan ni Teacher Elizabeth para makarating ang liblib na Sitio Barogante sa Barangay Alacaak, Sta. Cruz, Mindoro Occidental. Walang bangka o tulay sa lugar.

Limang ilog din ang kailangang tawirin ni Teacher Elizabeth para marating sito. Sa tulong ng kapwa niya Katutubong Mangyan, hinihila ang sinasakyan niyang salbabida habang inaanod ito sa rumaragasang ilog. Mapanganib ang biyaheng ito dahil may mga pagkakataong tumataas ang tubig at lumalakas ang agos. Pero hindi natitinag si Teacher Elizabeth. Lahat ng sakripisyong ito, alay niya sa mga batang Mangyan sa komunidad na kanyang tinuturuan.

Nagtapos ng Midwifery si Teacher Elizabeth, pero tila iba ang itinakda ng tadhana. Nang alukin siyang magturo sa mga bata, hindi na siya nagdalawang isip pa. Bukod sa pagiging isang guro, siya na rin ang nilalapitan ng mga residente kapag may nagkakasakit.
Nagsasagawa rin siya ng feeding program para sa mga bata na kadalasan daw ay walang laman ang tiyan kapag pumapasok sa eskwela.

Sa mga panahong tila nilulunod sila ng kawalang pag-asa, siya ang nagsisilbi nilang salbabida.
Kilalanin ang 'Maestra Salbabida' sa Front Row - ang itinanghal na 2015 Gold World Medal Awardee bilang Best Public Affairs Program ng prestihiyosong New York Festivals at nagkamit din ng Gold Camera at One World Award sa US International Film and Video Festival sa Lunes, September 7, pagkatapos ng Saksi sa GMA-7.
Tags: plug
More Videos
Most Popular