Laban ng mga batang boksingero, tampok sa 'Front Row'
Inihahandog ng Front Row : “Pag-asa Sa Kamao”
June 15, 2015 pagkatapos ng Saksi
Hindi maikakaila kung gaano kalaki ang naging impluwensiya ng boxing sa buhay ng bawat Pilipino mula sa tinamong tagumpay sa buhay ng ating pambanasang kamao na si Manny Pacquiao. Kaya naman lahat ng nais sumunod sa kanyang yapak, ginagawa siyang inspirasyon upang makaahon sa kahirapan tulad na lamang ng pamilya Jordan. Anim ang anak nina Scarleth at Zaldy Jordan Sr., apat na lalaki at dalawang babae. Umaasa lamang ang pamilya sa maliit na kita ng kanilang ama bilang tricycle driver kayat dalawa lamang sa kanilang mga anak ang nag-aaral, ang bunso sa lalaki na si Donato at ang anak na babaeng nasa high school na.
Ang tatlo pang anak na lalaki tumigil na sa pag-aaral at boxing na lamang ang pinagkakaabalahan. Si Zaldy Jr. naging trainer ng mga kapatid niyang sina Joash 19 years old, Ken 17 years old at Donato 12 years old. Si Donato tatapusin na lamang daw ang elementary at hindi na papasok sa high school para makapag-focus na sa boxing. Lahat sila nangangarap na sa pamamagitan ng boxing maaabot din ang tugatog ng tagumpay na narating ni Pacquiao.
Alamin ang iba pang kuwento ng “Pag-asa Sa Kamao”, ngayong Lunes, June 15 sa Front Row pagkatapos ng Saksi sa GMA7.