Alamin ang kuwento ng asong si Badji, ngayong Lunes sa 'Front Row'
Inihahandog ng Front Row
“Badji”
June 8, 2015, pagkatapos ng Saksi sa GMA
‘Man’s Bestfriend’ kung ituring ang mga alagang aso. Pero para sa 11 taong gulang na si Rommel, ang aso niyang si Badji ay higit pa sa matalik na kaibigan. Para na raw niyang kapatid ang alagang si Badji na bahagi ng kanyang buhay. "Siya lang ang nakilala ko na kahit anong mangyari, hindi ako iniiwan, parang tao", ang sagot ni Rommel kung ano si Badji sa kanya.
Taong 2011 nang mawala ang anim na taong gulang na kapatid ni Rommel na si Adji. Hanggang ngayon, hindi pa rin nakikita ang kanyang kapatid. Sa labis na pangungulila, naisip niyang pangalanang Badji ang kanyang aso para araw-araw niya raw maalala ang nawalay na kapatid.
Kung tutuusin, hindi palaboy si Rommel. May bahay siyang mauuwian sa Bulacan kasama ang kanyang kuya. Pero lagi raw itong wala sa bahay. May sarili nang pamilya ang kanyang ina at hindi na niya nasilayan ang ama mula pagkabata. Ang dalawampung taong gulang niyang ate naman, nakabukod na rin.
Ito ang nagtulak kay Rommel na lumuwas sa Lungsod ng Quezon kasama si Badji.
Sa lansangan, paminsan-minsa'y pinili niyang manirahan.
Kilalanin si Rommel at ang asong si Badji sa Front Row - ang itinanghal na 2015 Gold World Medal Awardee bilang Best Public Affairs Program ng prestihiyosong New York Festivals ngayong Lunes, June 8, pagkatapos ng Saksi sa GMA-7.