Inihahandog ng 'Front Row' ang dokumentaryong 'Mary Jane,' ngayong Lunes

Photo courtesy: AFP/Tarko Sudiarno
Tulad ng maraming Overseas Filipino Worker o OFW, kahirapan ang nagtulak kay Mary Jane Veloso para makipagsapalaran sa ibang bansa noong 2010. Mula Nueva Ecija, isang kaibigan ang nagsilbi niyang recruiter at pinangakuan ng hanapbuhay sa Malaysia. Pero pagdating doon, hindi na raw bakante ang trabaho kaya sinabihan siyang pumunta sa bansang Indonesia.
Pagdating sa paliparan ng Yogyakarta, nakita mula sa dalang bag ni Mary Jane ang mahigit dalawang kilo ng heroin... isang uri ng ilegal na droga. Anim na buwan lang mula nang siya’y maaresto at makulong, lumabas ang hatol ng korte—kamatayan.
Photo courtesy: REUTERS/Ignatius Eswe/Files
Depensa ni Mary Jane, biktima siya at inosente sa ibinibintang na krimen. Nitong nakaraang Martes, April 28, sa itinakdang araw ng bitay—nagsanib pwersa ang kanyang pamilya, mga non-government organization at ang pamahalaan ng Pilipinas para manawagan at maisalba siya mula sa kamatayan. Dalawang apela ang naunang ibinasura pero patuloy na kumapit ang lahat sa patuloy na panalangin at pag-asa.
Photo courtesy: Suryo Wibowo
Hanggang noong madaling araw ng ika-29 ng Abril, araw ng Miyerkules, tila milagro ang pagkakasalba sa kanya sa huling minuto.
Ligtas si Mary Jane matapos pansamantalang maantala ang execution dahil na rin sa biglaang pagsuko ng kanyang recruiter na si Christine Pasadilla alias Kristina Sergio.
Kilalanin si ‘Mary Jane’ at alamin ang buo niyang kuwento sa Front Row - ang itinanghal na 2015 Gold World Medal Awardee bilang Best Public Affairs Program ng prestihiyosong New York Festivals ngayong Lunes, pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.