Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ang babae sa krus, kilalanin ngayong Lunes ng gabi sa 'Front Row'




Isang tradisyon ang pagpepenitensiya  sa bawat sulok ng bansa tuwing Semana Santa. Pero mangilan-ngilan lamang ang mga babaeng nagpapapako sa krus tulad ng 48 gulang na si  Precy Valencia ng Barangay Kapitangan, Paombong, Bulacan.


Sa edad na 16, nagsimula siyang mamanata at magpapako sa krus. Niluluklukan daw ng Sto. Niño de Cebu si Precy kaya't nagagawa niyang magpapako sa krus tuwing Semana Santa at dahil dito hindi niya nararamdaman ang pagpako sa kanya.  Tatlong pako ang ginagamit kay Precy, tig-isa sa magkabilang kamay at isang mahabang pako para sa magkapatong ng paa. Ang mga ginagamit na pako ay isang taong nakababad sa bote na may langis at binendisyunan.


Bagamat mahirap at mapanganib ang tinatahak na penitensiya ni Precy, suportado pa rin siya ng kanyang asawa at dalawang anak. Isang construction worker ang kanyang asawa samantalang namamasukan naman si Precy bilang kasambahay sa Maynila at minsan ay nananahi ng damit
 
Bukod kay Precy, may tatlo pang kalalakihan ang nagpapako sa krus sa Paombong, Bulacan kaya naman dagsa ang mga tao at mga banyagang mamamahayag, masaksihan lamang ito.
 
Ngayong Lunes, alamin ang buong kuwento sa debosyon at panata ni Precy sa  "Babae sa Krus", sa Front Row, pagkatapos ng Saksi sa GMA!