Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Pakinggan ang mga kuwento sa Cubao, mamayang gabi sa 'Front Row'
Sentro ng komersyo ng lungsod ng Quezon ang Cubao. Maka-ilang dekada ring naging paboritong tambayan ang nasabing lugar. Sa pagdaan ng panahon, tumamlay ang kinang ng Cubao.
Lumipat ang interes ng publiko sa mas bago at magagarang malls at mga pasyalan. Ngunit nitong nakaraang ilang taon, unti unti raw nanunumbalik ang tibok ng pulso ng lugar sa pagtayo ng mga bagong gusali, restaurant at mga pasyalan.
Isa si Artemio Deiparine, 63 taong gulang, sa mga naging saksi sa malaking pagbabago sa paligid ng Cubao. Isa siya sa natitirang nagtitinda ng sapatos sa dating Marikina Shoe Expo. Hati ang damdamin niya sa mga pagbabago –nalulungkot sa paglugmok ng negosyo ng mga kaibigang sapatero noong dekada nubenta pero patuloy na umaaasa na makabubuti sa kanila ang mga pagbabago sa Cubao.
Bukod kay Mang Artemio, isa na rin mga nagnenegosyo sa Cubao si Roberto Bellini, ang may-ari ng Italian Restaurant na Bellini’s. Hindi raw nalalayo ang kuwento ng restaurant niya sa kuwento ng Cubao – nagumpisang puno ng pag-asa, natalisod at nadapa pero ngayon ay muling bumabangon sa tulong na rin ng mga Pinoy na patuloy na bumibisita sa Cubao sa pagdaan ng mga taon.
Tunghayan ngayong Lunes Santo March 30, 2015 sa Front Row.
Tags: prstory
More Videos
Most Popular