Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

Burdadong Eba: Ang kuwento sa likod ng makukulay na tattoo


Una nang itinampok ang kuwentong ito sa programang “Front Row”. Ang ilan sa mga larawan ay hango mismo mula kina Kittie at Mai-mai. Napapanood ang “Front Row” tuwing Lunes ng gabi, 11:30 p.m. (pagkatapos ng Saksi) sa GMA-7. I-like ang Facebook page at i-follow ang Twitter account ng Front Row.
_______________________________________________________________________________

Pangalan: Melody Grace King
Alias: Tattooed Kittie
Porsyento ng katawan na burdado ng tattoo: 90%
Paboritong disenyo ng tattoo: Zombie, Hello Kitty, imahe ng mga mahal sa buhay

Kumusta ang first time mo?

“Mahapdi, masakit, pero kaya naman. Tolerable.” Ganyan inilarawan ni Melody Grace, o mas kilala bilang Kittie, ang kanyang karanasan nang unang magpa-tattoo. “Dahil first time, nandun ‘yung nagulat ako nung dumampi na ‘yung karayom sa balat ko,” sabi niya.

Pero may kirot mang naramdaman sa unang karanasan, hindi nito napigil si Kittie na maging mahilig sa pagpapatatak ng mga simbolo sa katawan.

Sa kasalukuyan, halos nobenta porsyento na ng katawan ni Kittie ang nababalot ng mga imaheng sumasalamin sa kanyang buhay. Dahil sa dami ng kanyang tattoo, binansagan na rin siyang “Most Tattooed Filipina” ng “Philippine Book of Records”, isang programang nagtatala ng kakaibang kakayahan ng mga Pinoy at umeere sa GMA News TV-11 tuwing Linggo.
 
Naintriga si Kittie sa mga tattoo nang una siyang magpunta sa Dutdutan, isang taunang tattoo convention. “Nung nakita ko sila do’n [na puno ng tattoo], namangha talaga ako,” aniya. “At the same time, nainggit.”

Ito ang naging simula ng buhay ni Kittie bilang isa sa mga kauna-unahang Pilipina na hindi natakot punuin ng tattoo ang kanilang katawan.

Mga imahe at simbolo

In demand na ngayon si Kittie bilang modelo, ‘di lamang dahil sa mga tattoo niya sa katawan kundi dahil na rin sa kanyang taglay na ganda. Bukod sa pagmomodelo, inaasikaso rin niya ang pagmamay-ari niyang shop, ang Kendy Shop Tattoo and Piercing, kung saan siya mismo ang nagta-tattoo sa mga customer.


Unang nagpaburda si Kittie sa murang edad na 22. Simula noon, nagpatuloy na ang pagpapa-tattoo niya na halos bumalot na sa buo niyang katawan. Kung susumahin pa nga raw, nasa mahigit P1 milyon na ang kabuuang halaga ng kanyang mga tattoo.

“Para sa ‘kin, itong balat ko ‘yung ginawa kong diary ko,” sabi niya. “‘Yung mga tattoo ko, puwedeng sabihin ‘yung unti-unting istorya ng buhay ko.”

RELATED VIDEO: Ang kuwento sa likod ng mga tattoo ng mga 'Burdadong Eba'
 
Mahalaga raw para kay Kittie ang imahe na ito ni "Hello Kitty" sa kanyang siko
 
Isa sa mga kapansin-pansin na tattoo ni Kittie ay ang imahe ni Hello Kitty na nakatatak sa may siko niya. “Nagpalagay ako ng Hello Kitty kasi hindi ko na na-pursue ‘yung pagco-collect ko ng Hello Kitty noong bata ako.”
 
Mahilig si Kittie sa mga imahe ng zombie
 
Kapansin-pansin din ang iba’t ibang imahe ng zombie na naka-tattoo sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan. “I’m a very big fan of zombies,” aniya.

Bukod pa rito, mapapansin din na ang ilan sa kanyang mga tattoo ay pinagbibidahan ng mga imahe ng kanyang mga mahal sa buhay.

Beauty queen noon, tattoo queen ngayon

Bago pa man pasukin ni Kittie ang mundo ng mga tattoo, kilala siya sa kanilang probinsiya na Tarlac bilang isang beauty queen.

“Dati, binansagan ako dito sa bayan namin na flawless. Kutis-porselana,” kuwento ni Kittie. “Kung iniisip nila na ‘yung paglipat ko sa Maynila ang maaaring naging dahilan ng pagkakaroon ko ng maraming tattoo, hindi naman. Para sa ‘kin, choice mo naman ‘yun eh. Kagustuhan mo kung pipiliin mong maging ikaw ‘yun.”

Hindi raw naging madali para sa kanyang pamilya na tanggapin ang dati nilang kutis-porselanang Reyna Elena, puno na ngayon ng tattoo. Dumating pa nga raw sa puntong halos ikahiya na siya ng mga ito sa tuwing uuwi siya.

“Talagang maputi ‘yang bata na ‘yan. Makinis ang kutis, naalagaan, hindi lumalabas halos ng bahay,” kuwento ni Mang Randy, tatay ni Kittie. “Siyempre [maraming nagulat] lalu na’t probinsiya ito. Dati, beauty queen, ngayon, kabaligtaran ang nangyari.”

Hindi naman naglaon, natanggap na ni Mang Randy ang tunay na hilig ng anak. “Anak ko siya eh. Hindi naman habangbuhay, hindi kami mag-uusap dalawa,” ani Mang Randy. “Pangarap ko pa na sana, gumanda ang buhay niya, na hindi niya pagsisisihan ‘yan ‘pag nagka-edad siya.”
 
Masaya si Kittie sa naging pagtanggap ng pamilya. Tanging pangako niya sa kanyang ama,  “Hinding-hindi ko lalagyan ng tattoo ‘yung mukha ko kasi isa sa pinakamahigpit na bilin niya ‘yun eh.”

“Gusto ko sanang maging inspirasyon sa mga babae [na gusto ring magpa-tattoo pero natatakot mahusgahan],” aniya.
 
 


Pangalan: Darling Rachelle Leal
Alias: Mai-mai
Porsyento ng katawan na burdado ng tattoo: 70%
Paboritong disenyo ng tattoo: Bungo (skull), imahe ng kasintahan

Madali raw makilala at matandaan kung sino siya. “Si Mai-mai, ‘yung may tattoo sa mukha?”


Sikat si Mai-mai sa tattoo industry hindi lamang dahil sa malalaki niyang tattoo sa katawan, kundi dahil na rin sa kontrobersyal niyang tattoo sa mukha at ulo – na abot hanggang anit. “Gusto ko kasing maiba, sa totoo lang,” kuwento niya. “Naging challenge kasi sa ‘kin. Ang dami nga d’yang may tattoo, may tattoo ba sila sa mukha? Wala eh.”
 
Trademark na rin ni Mai-mai ang kanyang tattoo na "Dora the Explorer"



   
Kapansin-pansin na mahilig si Mai-mai sa mga tattoo na bungo o skull. Nagsilbing trademark niya rin ang imahe ni Dora the Explorer sa kanyang braso. “Tawag nila kasi sa ‘kin, si Dorang gala. Kasi every competition nandun ako eh.”
 
Halos anim na oras ang ginugol sa paggawa ng malaking tattoo na ito sa kanyang likod

Sa kanyang likod, makikita ang malaking imahe ng pating, na tuloy-tuloy raw na ginawa sa loob ng halos anim na oras.

Kontrobersyal din ang mga tattoo ni Mai-mai sa mga pribadong parte ng kanyang katawan.

“Meron akong tattoo sa behind ko, pero ‘di pa tapos. ‘Di pa colored,” sabi niya. “Pero ‘yung private part ko, in the front, tapos na. Meron na ‘kong tattoo do’n.”

Inamin niyang masakit magpalagay ng tattoo sa parteng iyon ng kanyang katawan. “Iyon ‘yung iniyakan ko talaga. Sabi nga ng artist ko, ‘Mai, ano, itutuloy ko pa ba?’ Sabi ko, ‘Sige, Kuya. Nasimulan mo na eh, ituloy mo na,’” natatawa niyang dagdag.

Pursigido si Mai-mai na balutin ng tattoo ang buo niyang katawan. Kahit nga ilang parte ng katawan na imposibleng burdahan ng tattoo, gusto niyang lagyan. “Kung meron nga lang talaga na gumagawa ng eyeball tattoo, talagang gagawin ko,” sabi niya.

Silang mga nanghuhusga

Tulad ni Kittie, hindi rin nakatakas si Mai-mai sa mga mapanghusgang mata ng ilang tao sa kanyang paligid. Kahit nga raw ang kanyang mga yumao na magulang, na parehong nurse, tumutol sa kanyang pagpapa-tattoo.

“Sabi nila sa ‘kin, ‘di mo ba alam na ‘pag nagpa-tattoo ka, ‘di ka na makakapag-donate ng dugo?” kuwento ni Mai-mai.

Sa tuwing lalabas siya at aalis ng bahay, sinusundan pa rin siya ng mga mapanghusgang mata. “Sige lang. Tinitingnan ko lang din. Pakialam ko ba [sa kanila?] Ako nga ‘di nagugulumihanan sa sarili ko, tapos sila nagugulumihanan?”

Pero balot man ng tattoo si Mai-mai, pinapayuhan naman niya ang mga gustong magpa-tattoo – lalu na ang mga kabataan – na mag-isip nang mabuti bago magpaburda. “Walang masamang magpa-tattoo,” ani Mai-mai. “Pero sa mga bata na akala nila magiging astig sila kasi magpapa-tattoo sila, huwag na muna.”— Donna Allanigue/CM, GMA News

Narito ang ilan pang web-exclusive articles mula sa “Front Row:”

Two 'Foreignoys' who are truly Pinoy at heart
PHOTO ESSAY: How to (literally) sell yourself to survive
Ang panata ng mga deboto ng Itim na Nazareno
Tags: webexclusive