ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ngayong pasko, isang bagong pamilya para sa naulila ng Yolanda




Maraming pamilya ang nagkahiwahiwalay nang humagupit ang super typhoon Haiyan, o mas kilala bilang Yolanda, sa bansa nitong Nobyembre. Sa lakas na 230 km/hr, halos 6,000 katao ang nasawi, habang humigit-kumulang 1,000 ang hanggang ngayon ay hindi pa rin makita.

Karamiha’y nawalan ng bahay at kagamitan, pero marami rin sa ating mga kababayan ang nawalan ng mga mahal sa buhay. Ang masaklap pa rito, karamihan ay mga paslit na biglang naulila. Sa dokumentaryong “Orphans of Yolanda” na ipinalabas sa programang “Front Row” ng GMA News TV Channel 11, nakilala natin ang ilan sa mga batang sa isang iglap ay naiwang mag-isa.

Sa kalagayan nila ngayon, paano kaya haharapin ng libo-libong biktima ang paparating na Pasko?

Pagkupkop kay “Marie”



Isa si “Marie” sa mga naging biktima ng bagyo. Sa edad na 9, panganay siya sa anim na magkakapatid. At sa kasagsagan ng bagyo, hindi niya inasahang bigla siyang mahihiwalay sa kanyang ina at mga kapatid.

 “Nasira na ‘yung bahay kaya umakyat kami sa bubong. Nung una, muntik na kaming malunod ni Ate Ning. Pero may nakita akong saging kaya do’n ako umakyat. Nakakapit ako nang mahigpit,” ang kuwento ni “Marie” nang tanungin ng “Front Row” kung paano siya nakaligtas sa ragasa ng baha at malakas na ulan.

Dahil sa mag-isa na lamang at walang kumukuhang kamag-anak, napagdesisyunan ni Lola Virgie, isang matandang nagmalasakit mula sa San Miguel, Leyte, na kupkupin pansamantala ang bata.

“Sabi ng anak ko, ‘Kunin mo na muna habang wala pang nagcla-claim.’ Meron daw kasing gustong kumuha. Naaawa raw sila kasi ‘yun daw eh wala rin. Kawawa naman. Mas mainam daw muna na dalhin sa amin sa San Miguel,” sabi ni Lola Virgie.

Nagkukuwento raw sa kanya si “Marie” kung paano siya nahiwalay sa kanyang pamilya. Ayon sa bata, matagal na umano silang pinalilikas ng lokal na pamahalaan bago pa man dumating ang bagyo.

“Sabi daw ng nanay niya, ‘Hindi ‘yan matutuloy.’ Bigla na lang tumaas ang tubig. Napahiwalay na daw siya,” ani Lola Virgie. “Gusto daw niyang kunin ‘yung kapatid niya pero sabi daw ng nanay niya, ‘Sige na, sige na. Ako nang bahala.’ Nakakapit daw lahat ng kapatid niya sa nanay niya.”

Habang nasa kanyang pangagalaga si “Marie” ipinadama niya rito ang pagmamahal ng isang pamilya. Alam niyang pansamantala lamang ito at hindi maglalaon ay maaaring may tumawag na sa kanya upang kuhanin ang bata ngunit walang pagaatubili niyang ipinagkaloob rito ang kanyang mga pangangailangan.

“Kung minsan tinatanong ko siya. Nung isang gabi nga sabi ko, ‘Gusto mo bang mag-aral?’ Sabi niya, ‘Opo’. Binilhan na nga siya ng bag ng anak kong babae,” ang masayang kuwento ni Lola Virgie. “Parang feeling talaga niya eh kapamilya na siya,” pagpapatuloy niya.

Pagtatagpo ng magkapatid



Nang makatanggap ng impormasyon sina Lola Virgie na maaaring isa sa mga kapatid ni Marie ang nakaligtas at ngayon ay nasa pangangalaga ng City Social Welfare Office (CSWO) ng Tacloban City, agad-agad silang dumayo sa lugar. “Nabalitaan namin na parang may kapatid itong… baka kapatid niya ‘yung nakita,” ani Lola Virgie.

Nakaaantig ng puso ang pagkikita ng magkapatid. Isang napakahigpit na yakap ang natanggap ni “Marie” mula sa nakababatang kapatid makalipas ang humigit-kumulang isang buwan na hindi pagkikita.

Hindi rin naitago ni Lola Virgie ang kanyang mga luha nang masilayan ang masayang pagtatagpo ng dalawang bata. Ang malungkot lang sa nangyari, ngayong nasa pangangalaga na ng CSWO ang magkapatid, pagbisita na lamang ang natatangi niyang magagawa upang makitang muli si “Marie”.

Bagong pamilya sa pagsapit ng pasko



Ayon sa CWSO, maaari namang ampunin ni Lola Virgie si “Marie”, kung nanaisin niya. “Kami, hindi naman kami nagpro-prohibit. If you are interested to have the child in your care, gawa lang tayo [ayon] sa tamang proseso,” ayon kay Ms. Liliosa Baltazar ng CWSO.

Kung nung una ay hindi maikakaila ni Lola Virgie na nagdalawang-isip siya sa pag-ampon sa batang si “Marie”, ngayon ay buong-buo na ang loob niyang bigyan ito ng pagkakataong maging masaya sa piling ng isang pamilya. “Ayaw talaga niyang umalis sa bahay. Gusto talaga niya sa d’un eh,” kuwento ni Lola Virgie. Gayunpaman, patuloy naman umano nilang bibisitahin ang kapatid ni “Marie” na nasa pangangalaga pa rin ng CWSO.

Ngayong darating na Pasko, muling binuhay ni Lola Virgie ang tunay na diwa nito sa pamamagitan ng pagtulong at pagmamahal sa batang kahit hindi niya kaano-ano ay buong puso pa rin niyang tinanggap. —Donna Allanigue/CM, GMA News


RELATED VIDEO: